Abante Tonite Interactive

‘Secret trip’

83

Sa umiiral na One China policy, kinikilala ng Pilipinas ang People’s Republic of China (PRC) imbes na ang Republic of China (ROC) o Taiwan. Hindi kinikilala ng China ang Taiwan bilang isang bansa kundi bilang isa nilang probinsiya.

Dahil sa walang diplomatic relation ang Pilipinas sa Taiwan, ang Manila Economic and Cultural Office (MECO) ang nagsisilbing de facto embassy ng Pilipinas sa Taiwan habang ang Taipei Economic and Cultural Office (TECO) naman ang de facto embassy ng Taiwan sa Maynila. Dito kumukuha ng visa ang mga Pinoy na bibiyahe patungong Taiwan.

Pero kung isang government official, lalo na sa mga miyembro ng gabinete, bawal ang pumunta sa Taiwan lalo na kung official trip ito. Base sa Executive Order No. 313 na inisyu ni dating Pangulong Corazon C. Aquino noong Disyembre 1987, pinagbabawalan ang lahat ng opisyal ng gobyerno na bumisita sa Taiwan kung walang permiso ng Department of Foreign Affairs (DFA). Kahit na ang pagtanggap ng bisita mula sa Taiwan, bawal din.

Sa Memorandum Circular No. 148 naman, tinukoy dito na ang total travel ban sa Pangulo ng bansa, Bise-Presidente, Secretary ng DFA at ang Secretary ng Department of National Defense. Ang ibang government official ay maaaring makabiyahe sa Taiwan kung hihingi ng permit sa DFA at ang gagamitin ay ang ordinaryong pasaporte.

Sa susunod na linggo, isang opisyal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bibiyahe umano patungong Taiwan. Ito’y walang iba kundi si National Security Adviser Hermogenes Esperon. Siya ang dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong administrasyong Arroyo at sumikat nang masangkot sa Hello Garci scandal.

Bakit kinailangan ni Esperon na pumunta sa Taiwan? Siya lang ang makasasagot nito kung aamin siyang may secret trip siya sa Taiwan.

***

Isa pang gabinete ni Pangulong Duterte ang sumablay sa katauhan ni Energy Secretary Alfonso Cusi.

Nang sumalang kasi sa Commission on Appointments (CA) ang deliberasyon sa ad interim appointment nito bilang kalihim ng Department of Energy (DOE), nangamote ang kalihim nang matapat siya kay Sen. Panfilo Lacson.

Ipinagmalaki ba naman kasi ni Cusi na siyento por­syento na raw na may kuryente ang buong barangay sa bansa sa ilalim ng sitio electrification program ng gobyerno.

Sinita tuloy siya ni Sen. Lacson. “Sitios are a part of barangays. We cannot say barangays are 100 percent powered if a few sitios in those barangays still have no power.”

Nakuryente o nabigyan ba ng maling datos si Cusi kung kaya’t pumalpak sa naging sagot sa sitio electrification program? Ang malinaw lang dito, nangamote siya sa pagsagot kay Lacson kung kaya’t kinailangan pa niyang humarap muli sa CA sa susunod na Miyerkules at iprisinta ang tunay na datos hinggil sa mga barangay na may kuryente na at wala pa.

***

Maraming netizens ang nag-react sa reklamo ni boxing icon at Sen. Manny Pacquiao na hindi siya nakapag-ensayo noong Lunes dahil sa paghihintay kay Edgar Matobato na humarap sa Senate committee on justice and human rights upang komprontahin ito sa pagtatago ng kasong kidnapping with ransom nito noong 2000.

Sinabi kasi ni Pacquiao na “Ako man, hindi na ako pumunta sa training after ng session dahil pinatawag nga ang mga inakusahan, in-involve ni Matobato. Parang insulto sa atin ‘yan na isinakripisyo natin ‘yung mga importanteng dapat nating gawin para lang dito sa isyu na ito para matapos.”

Sigaw ng netizens, inihalal siya ng taumbayan para magtrabaho sa Senado at hindi para mag-training lang para sa nalalapit niyang laban sa Amerikanong si Jessie Vargas.

Mukhang nainsulto ang netizens sa pahayag ni Pacquiao na nainsulto siya nang hindi makapag-training dahil kay Matobato.