Abante Tonite Interactive

₱1.6B utang ng Taguig City gov’t inareglo bago ang 2019

445

Winakasan na ng Taguig City government ang pagkakabaon sa utang ng nakaraang administrasyon matapos bayaran ang mahigit P1.6 bilyon bago pa man matapos ang taong 2018.

Dahil dito ay pumasok ang bagong taon ng 2019 na wala nang nalalabing utang ang lokal na pamahalaan ng Taguig.

Sa kabuuan ang iniwang utang ng nakaraang administrasyon ay P1,226,609,848, idagdag pa ang P388,859,293 na interes na buo nang nabayaran ng administrasyon ni Taguig City Mayor Lani Cayetano noong Disyembre 7, 2018, sabi ni Atty. Voltaire Enriquez, officer in charge ng City Treasury Office.

“We pre-terminated all our loans with LandBank because, by the end of 2018, Mayor Lani wanted that the next administration would not have to suffer the same fate she suffered when she took on the administration in 2010,” wika pa ni Enriquez.

Dagdag pa ni Enriquez, upang mabayaran lahat ng utang ng Taguig, kinailangan ng Cayetano adminis­tration na magtabi ng pondo para sa utang.

Sinimulan ito noong 2011 kung saan aabot sa P220 milyon ng P3,745,000,000 ng total budget na nakalaan sa Taguig­ ay napunta sa pagbayad ng utang.

Sa pinupuntiryang debt-free status, iniwasan ng city government ang mga luho at sobrang pag-gastos upang masiguro na mapupunta ang mga nilaan na pondo sa tamang paraan, saad pa ni Enriquez.