Abante Tonite Interactive

₱100M arawang kubra ng Kapa

621

Umaabot ng P100 milyon kada araw ang kinukubra diumano ng Kapa Community Minis­try International mula sa kanilang pyra­miding scheme batay sa mga dokumentong napasakamay ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ipinahayag ni NBI Deputy Director for Ope­rations Service Antonio Pagatpat na nagsagawa sila kahapon ng mga pagsalakay sa iba’t ibang tanggapan ng Kapa sa pamamagitan ng 14 search warrant.

Kabilang sa mga sinalakay na tanggapan ng Kapa ay matatagpuan sa Taytay, Rizal; Brgy. San Geronimo, Bagabag, Nueva Vizcaya; at sa Brgy. Poblacion, Compostela, Cebu.

Nakasamsam umano ang mga opera­tiba ng NBI ng P2.2 milyon at P300,000 sa dalawan­g tanggapan ng Kapa na kanilang sinalakay. Bukod sa pera, kasama rin sa mga sinamsam ng NBI ay mga dokumento at report sa mga transaksyon ng Kapa.

“There was no religion involved in their activities,” sabi ni Pagatpat.

Kabilang kasi sa mga narekober ng NBI ay mga dokumento na nagpapakitang umaabot sa P100 milyon kada araw ang kinukubra ng mga namumuno ng Kapa mula sa mga nag-invest sa kanila.

Pinaka-minimum umano na halagang ibi­nibigay ng bawat miyembro ay P5,000 na may katumbas na 30 porsiyentong interes na tinatawag na “blessing” ng grupo.

Ang isang miyembro na makakapag-recruit ng isa pa ay may limang porsiyentong finder’s fee.

Samantala, bukod sa mga kasong paglabag sa Securities Regulation Code ay tinitingnan din ngayon ng NBI ang posibleng pagsasampa ng large-scale estafa laban sa mga li­der ng Kapa na pinangungunahan ng founde­r nitong si Pastor Joel Apolinario.

Ang Kapa (Kabus Padatoon na ang ibig sabihin ay “enriching people”) ay isang regis­tered religious organization na kinansela ng Securities and Exchange Commission (SEC) dahil sa pagkakasangkot sa investment scam.

Isinagawa ang pagsalakay sa mga tanggapan ng Kapa matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo na isara ito dahil na rin sa mga natanggap na reklamong may kinalaman sa pyramiding scheme.

Kahapon, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi lamang ang Kapa ang hahabulin ng mga awtoridad kundi ang iba pang kompanyang sangkot sa investment o pyramiding scheme.

“Kapag nalaman nating mayroong mga ganiyan, ‘di dapat talagang ipasarado because it’s a continuing crime of estafa,” ani Panelo.

Pinayuhan din ni Panelo ang mga nabiktima na magsampa ng kaso sa korte para mabawi ang pera na kanilang inilagak sa Kapa. (Aileen Taliping/PNA)