Abante Tonite Interactive

₱100M gastos sa PSG kada buwan

303

Ginagastusan ng P100 milyon kada buwan ang Presidential Security Group (PSG) para higit pang mapaigting ang kakayahan ng mga sundalong nangangalaga sa seguridad ni Pangulong Rodrigo Duterte kasama na ang pamilya nito.

Sa ginanap na change of command ceremony ng PSG noong Martes ng hapon sa Malacañang Park, sinabi ng Pangulo na hindi siya nagpapa­lakas sa PSG kundi ito ay para na rin mapaigting ang kanilang kaalaman sa propesyon.

Bahagi ng pondo ay para sa training classes at schooling ng mga miyembro ng PSG.

Pero hindi lang naman aniya PSG ang binubuhusan ng pondo kundi pati na rin ang V. Luna Hospital na tumatanggap ng P50 milyon kada buwan, at P50 milyon naman sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa gamot ng mga sundalo.

Para naman sa mga sundalong baldado at nawalan ng kamay o paa, tiniyak ng Pangulo na makakalakad at magagamit muli ang kanilang mga nawalang bahagi ng katawan sa pamamagitan ng prosthetics at robotics na ikakabit sa mga ito at muling makakabalik sa serbisyo.

Nangako si Pangulong Duterte ng tulong para sa mga nadisgrasyang sundalo habang siya ang ­nakaupo sa puwesto. (Aileen Taliping)