Abante Tonite Interactive

₱1,500 umento sa mga kasambahay sa Metro Manila

0 290

Posibleng makatanggap ng maagang pamasko ang mga kasambahay sa Metro Manila kapag inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang bagong minimum wage para sa kanila kung saan bibigyan sila ng P1,500 umento.

Sa press briefing ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III, sinabi nito na inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-National Capital Region ang bagong minimum wage na P5,000 para sa mga kasambahay sa Metro Manila.

“The regional tripartite wage board here in Metro Manila submitted a wage adjustment of, I think, P1,500 for Metro Manila. So originally it was P3,500 for our kasambahay in Metro Manila, it is now P5,000 for our kasambahays,” ani Bello.

Ipatutupad aniya ang bagong umento sa suweldo ng mga kasambahay oras na inaprubahan ito ng NWPC.

Inaasahang aaksyonan aniya ito ng NWPC ngayong linggo.

Noong Disyembre 2017 ay inaprubahan ng wage board sa NCR ang P1,000 umento sa suweldo ng mga kasambahay dahilan para tumaas sa P3,500 ang kanilang buwanang suweldo.

Kasabay nito, pinaalala ni Bello sa mga kasambahay na may karapatan sila sa mga benepisyo mula sa Social Security System, PhilHealth at Pag-IBIG.

Pinaalala rin ng kalihim sa mga employer na iparehistro ang kanilang mga kasambahay sa mga nabanggit na ahensya para matamo ang benepisyo. (Prince Golez/PNA)