Abante Tonite Interactive

₱15M tagong yaman ni ex-General Mangila pinakumpiska ng Sandiganbayan

490

Inatasan ng Sandiganba­yan ang isang ex-general na dating namuno sa Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) na isuko ang mga hindi maipaliwanag na yaman nito na nagkakahalaga ng P15.81 milyon kabilang na rin ang mga titulo ng lupa at mga sasakyan.

Nakasaad sa 53 pahinang desisyon ni Sandiganbayan 7th Division Associate Justice Georgina Hidalgo na sa panahon ng kanyang panunungkulan sa Philippine Natio­nal Police (PNP) ay nagkaroon si ex-General Danilo Mangila ng anim na real estate property, 16 na sasakyan, at iba pang mga ari-arian na umaabot sa P15.81 milyon ang kabuuang halaga.

Si Mangila ay dating namuno sa PNP Traffic Management Group at naging assistant director din ng PASG.

Buhay mayaman din umano ito matapos makapagtala ng 18 international trip sa iba’t ibang bansa katulad ng France, Amerika, at Japan kasama ang kanyang asawa mula 1994 hanggang 2005.

Sa kanyang depensa, igi­niit ng kampo ni Mangila na kayang gastusan nito ang magarbong pamumuhay dahil sa kanyang suweldo at mga negosyo kabilang dito ang transport service company, car retailer at mga real estate property.
Gayunman, hindi nakumbinsi ang anti-graft court sa paliwanag ng kampo ni Mangila hinggil sa kayama­nan nito.

Sa paglilitis ng korte, binigyang-diin ng prosekusyon na bilang heneral, tumatanggap si Mangila ng suweldo na nag­lalaro sa P99,000 hanggang P365,000 kada taon.

Sabi ng Sandiganba­yan, kahit pagsama-samahin pa ang suweldo ni Mangila ay hindi pa rin ito sapat para makabili siya ng mga ari-arian at gumastos sa mga biyahe nila ng kanyang asawa sa ibang bansa.

“Couched differently, his income even when added together, to the Court’s mind, is not sufficient for him to acquire these properties nor to finance his numerous foreign travels to include that of his wife, which undeniably entail lots of expenses,” batay sa desisyon ng Sandiganba­yan.

Nabatid na inihain ng Office of the Ombudsman ang civil forfeiture case laban kay Mangila batay sa Republic Act 1379. Nakasaad sa batas ang forfeiture o pagbawi sa mga ari-arian ng isang public officer o employee na mapapatunayang nakuha sa iligal na paraan.

Sinulat ni Associate Justice Hidalgo ang desisyon ng anti-graft court laban kay Mangi­la at pumirma rin dito sina Sandiganbayan 7th Division Chairperson Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta at Associate Justice Zaldy Trespeses. (Yves Briones)