Abante Tonite Interactive

₱20M ipambibili ng breath analyzer sa mga traffic enforcer

185

Naglaan ang Senado ng P20 milyon mula sa panukalang P4.1 trillion national budget para sa susunod na taon upang ipambili ng mga breath analyzer na magagamit ng mga traffic enforcer.

“Kung may aksidente at lasing ang driver, hindi puwedeng sasabihin lang ng enforcer na amoy alak ang driver. Hindi ito titindig sa imbestigasyon o sa korte,” ayon kay Senador Grace Poe.

Una nang itinulak ni Poe na bigyan ng pondo ang pagbili ng mga equipment matapos madiskub­reng kulang ang budget ng Department of Transportation para sa kanilang road safety prog­ram.

Binigyan-diin ng senador na kailangan ng sapat na pondo para makabili ng equipment tulad ng mga breath analyzer na ginagamit para suriin ang alcohol level ng mga motorista.

Sabi ni Poe, sa ngayon ay iilang piraso lang ng breath analyzer ang ginagamit ng mga personnel ng MMDA at hindi aniya ito sapat.

“There has to be money for breathalyzers because they could prevent drunk drivers from plying the highways and causing mishaps that could endanger lives,” diin ni Poe.
Ang paggamit umano breath analyzer ay bilang pagsunod sa Republic Act No. 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013.

Sa ilalim ng batas, kinakailangang bumili ang Land Transportation Office at Philippine National Police ng sapat na breath analyzer para magamit ng kanilang mga law enforcer at deputized local traffic enforcer sa buong bansa. (Dindo Matining)