Abante Tonite Interactive

₱33M multa ng Xiamen Airlines, kulang

By
418

Hindi kontento ang ilang kongresista sa P33 milyong sisingiling multa ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa Xiamen Airlines.

Matatandaan na nagdulot ng matinding abala at sinasabing malaki ang na­lugi sa ekonomiya ng ­bansa sa pagsadsad ng eroplano ng Xiamen sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Agosto 16.

Sa pagdinig ng House committee on transportation kahapon, iginiit nina Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento at 1-CARE Party-list Rep. Carlos Roman Uybarreta na katiting lang ang P33M kumpara sa halos P1 trilyon na nawala sa bansa dahil sa insidente.

Inihayag ni MIAA Ge­neral Manager Ed Monreal na tinatayang nasa P33M pa lamang ang nakukuwenta na maaaring ma­singil sa Xiamen Airlines.

Sa kabila nito, nilinaw ni Monreal na maaari pang madagdagan ang sisingilin kung mabibigyan sila ng awtorisasyon na ipataw sa airline company ang economic loss.

Kasabay nito’y isinulong ni Monreal na palakasin pa ang Air Passenger Bill of Rights upang mas mabigyan ng proteksyon at maitaguyod ang kapaka­nan ng mga pasahero.