Abante Tonite Interactive

₱52M multa sa CebuPac ibigay sa mga pasahero

443

Walang silbi sa mga pasaherong naperwisyo ng Cebu Pacific (CebPac) ang P52 mil­yong multa na ipinataw ng Civil Aeronautics Board (CAB) noong 2015 laban sa kompanya ng mga Gokongwei kung mapupunta lamang ito sa kaban ng bayan.

Ipinahayag ito ng InfraWatch PH, isang public policy think-tank, hinggil sa na­ging aksyon ng CAB noong 2015 kung saan pinagmulta nito ng P52 milyon ang CebuPac dahil sa kanilang mga canceled at delayed flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Disyembre 24-26, 2014.

Sa ginawa nilang aksyon, sinabi ng CAB na mapupunta ang P52 milyon sa National Treasury alinsunod sa mandato ng Republic Act 776 o The Civil Aeronautics Act of the Philippines.

Gayunman, hindi kumbinsido ang InfraWatch sa naturang hakbang ng CAB dahil ang dapat umano ay ibigay ang pera sa mga apektadong pasahero.

“In 2015, the CAB imposed a P52 million fine on Cebu Pacific but this did not translate into rebates for affected passengers. The fine was instead remitted to the natio­nal treasury,” sabi ni InfraWatch PH convenor Terry Ridon sa isang pahayag ng grupo nitong Biyernes.

Sabi ni Ridon, walang naitulong sa mga apektadong pasahero ang multang ipinataw ng CAB sa CebuPac.

Hindi aniya katulad sa ginawang pagmumulta sa Manila Water kung saan ibinalik sa kanilang mga kostumer na naperwisyo ng water shortage.

Giit pa ng InfraWatch na kung hindi makakagawa ng mga bagong patakaran ang CAB na direktang makikinabang ang mga pasahero, mas mabuti pagtulungan na lamang ng ahensya ang mga pasaherong makuha ang kanilang mga benepisyo ayon sa Air Passenger Bill of Rights imbes na pagmultahin nito ang mga airline company. (Eileen Mencias)