Abante Tonite Interactive

₱551M budget ng PLM sa bakanteng posisyon, mga proyekto sinita ng COA

314

Halos 50 porsiyento o P551.71 mily­on mula sa inaprubahang pondo ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) para sa maraming bakanteng posisyon dito at mga nakaplanong prog­rama at proyekto ang hindi nagamit ng city funded university.

Batay sa 2018 audit report ng Commission on Audit (COA), P1.13 bilyon ang kabuuang budget ng PLM para sa pagpapagawa ng bagong PLM-Health Sciences Education Center (PLM-HSEC) at ng Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC).

Ang iba pang bahagi ng pondo ay para naman mapunan ang maraming bakanteng posisyon sa nasabing pamantasan.

Gayunman, hindi umano natupad ang mga ito sa kabila ng mala­king pondo na inilaan para sa mga proyekto.

“The delay in the execution and completion…due to poor planning and lack of knowledge of end-users in the procurement process resul­ted to idle funds, thus, the goal and objectives of the University were not fully attained and the intended benefits of the projects were not realized,” sabi ng COA.

Sa panig ng PLM, pinaliwanag ng pamunuan nito na ang pagkaantala at hindi pagkakatuloy ng ilang proyekto ay sanhi ng mga kadahila­nan na hindi kontrolado ng pamantasan katulad ng kakulangan sa mga kuwalipikadong aplikante, pagbabago sa mga project plan, at pagkabigo ng bidding.

Sinisi rin ng pamunuan ang hindi naipatupad na pagpapatayo ng pitong palapag na PLM-HSEC sa pamahalaang lungsod ng Maynila dahil sa kabiguan nitong isumite ang revised plan para sa nasabing proyekto.

Nirekomenda naman ng COA na hilingin ng PLM sa kanilang budget division na maghanda ng ‘more rea­listic’ budget proposal batay sa maayos na pagpaplano at sumailalim din sa seminar hinggil sa procurement guidelines na itinakda ng batas. (Allan Yves Briones)