Abante Tonite Interactive

₱5M droga nasamsam sa 5 babae, 6 pa

202

Tinatayang mahigit sa P5 mil­yong halaga ng shabu ang nasabat na ikinaaresto rin ng limang babae at anim na iba pa sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa loob lamang ng 24 oras sa Bacoor City, Cavite.

Nakakulong ngayon sa Bacoor City Custodial Center ang naarestong sina Joey Evangelista, 37-anyos; Irene Legaspi, 29; Mercelito Gonzaga, 30; Bruno Montibon, 36; Alma Sumague, 26; Roger Calinisan, 40; Ramona Punyong, 31; Aisa Juiamalo, 58; Bainot Saidali, 40; Nasser Makalpal, 38, at Baebon Mohammad.

Sa ulat ni SMsgt. Christian Rosales ng Bacoor City Police Station, dakong alas-2:00 Lunes nang hapon hanggang alas-3:20 kahapon nang madaling-araw nang nagsagawa ng buy-bust ope­rations ang mga elemento ng Station. Drug Enforcement Unit sa Barangay San Nicolas, Barangay Molino 4 at Barangay Molino 3, pawang sa Bacoor City, Cavite.

Naunang isinagawa ang buy-bust operations sa Tambakan Green Valley, Barangay San Nicolas 3 ng naturang lungsod, alas-2:00 kamakalawa na ikinaaresto nina Evagelista, Legaspi at Gonzaga na nagkutsabahan sa pagbebenta ng nasa 24.5 gramo ng shabu na may street value na P166,600.

Dakong alas-2:00 pa rin nang hapon nang sabayang isinagawa ang operasyon ‘di kalayuan sa Tambakan Green Valley kung saan naaresto naman sa aktong nakikipagtransaksyon sa poseur buyer sina Motibon, Sumague at Calinisan at tinatayang 110 gramo ng shabu ang nasamsam na may street value na P748,00.

Nakumpiska rin sa mga suspek ang 1 kalibre 38 na baril.

Solo namang dinampot si Punyong sa harap ng MHLhuillier sa Macrol, Barangay Molino 3 kung saan nakuhaan siya ng halos P377,400 halaga ng shabu.

Tumataginting din na P4,318,000 halaga ng shabu ang nasamsam kina Juiamalo, Saidaliat Makalpal.

Sa kabuuan, tinatayang P5,956.680 halaga ang nakumipska sa nasabing operasyon. (Gene Adsuara)