Abante Tonite Interactive

₱82M pondo panlaban sa ASF inilabas

0 171

Nagpalabas kahapon ng mahigit P82 milyong pondo ang Department of Budget and Management (DBM) para magamit ng Department of Agriculture (DA) sa mga isasagawa nitong hakbang laban sa pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.

Ito’y matapos kumpirmahin ng DA na positibong kaso ng ASF ang pagkamatay ng ilang baboy sa Rodriguez, Rizal.

Sa ilalim nito, P32 milyon ang iba­bahagi para sa maintenance ng security and detection ng mga produktong karne sa mga paliparan.

Ang P28 milyon naman ay gagamitin para sa iba pang test ng mga blood sample, P18 milyon para sa surveillance at monitoring habang P5.4 milyon ang nakalaan sa awareness campaign.

“ASF is a highly contagious hemor­rhagic viral disease of pigs, warthogs, European wild boar and Ame­rican wild pigs. As part of the Philippine prevention strategies on the on-going ASF threat, the BABES strategy has been implemented since the start of the outbreak in China, described as follows: (1) Banning pork imports, (2) Avoiding swill feeding, (3) Blocking entry of hand-carried meat, (4) Educating the people, and (5) Submitting lab samples,” ayon sa DBM.

Nauna rito, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na nananatiling ligtas ang karne ng baboy na binibenta sa mga palengke ngayon.

Pero payo nito sa mga consu­mer, siguraduhing bilhin ang mga ibi­nibentang karne na may stamp approval mula sa National Meat Inspection Service (NMIS). (Dolly Cabreza)