Abante Tonite Interactive

₱850M pekeng Nike, Adidas atbp nasilat

332

Sinalakay ng Bureau of Customs (BOC) ang ilang bodega sa Binondo at Parañaque na nagresulta sa pagkakasamsam ng iba’t ibang pekeng mga kalakal na nagkakahalaga ng P850 milyon sa magkakahiwalay na operasyon.

Nakuha ng Intelligence Group ng BOC nitong Huwebes ang mga pekeng kalakal mula sa iba’t ibang yunit na bodega. Ito’y matapos makarating ang reklamo mula sa kinatawan ng Nike Philippines na may mga yunit ng gusali sa Binondo na naglalaman ng mga pekeng kalakal, ayon kay Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

Dahil dito ininspeksiyon at sinuri ng mga operatiba ng BOC ang tatlong yunit ng bodega sa Binondo at natuklasan ang pekeng kalakal na may brand name na Nike, Adidas, Under Armour, Polo Ralph Lauren, Supreme, Roxy, Marvel, Hello Kitty at Billabong.

Abante Hiring – IT dep

Nabatid na ang tatlong yunit ng bodega ay naglalaman ng tinata­yang 2,500 sakong damit na nasa P700 milyon ang halaga.

Ang dalawang bode­ga sa Meliton Espiritu Street, Steelhauz Compound, Sucat, Parañaque City ay nasamsaman ng P150 milyong halaga ng mga peke ding Nike, Adidas, Red Bull, Tsing Tao, HP, Heineken, Oakley, Under Armor, Champion, Tribal, Bench, Peppa Pig, Disney-Minions, Disney-Minnie Mouse, Cetaphil, Spiderman, Oneal at Jaguar.