Abante Tonite
Mabilis sa Balita

1.5K pamilya sa Payatas, magkakalupa na

0 77

Ipagkakaloob na ng pamahalaang lokal ng Quezon City sa mahigit 1,500 pamilya ang mga lupaing kinatitirikan ng kanilang mga tahanan sa loob ng mahigit 40-taon sa Payatas sa lungsod.

Ito’y matapos na ipangako ni QC Mayor Joy Belmonte sa mga residente ng Ramawil 9.6 Homeowners Association Inc. sa Barangay Payatas, may dalawang taon na ang nakalilipas.

Nilagdaan ni Belmonte nitong weekend ang Deed of Conditional Sale ng mga lupain, kasama sina Ramon Asprer, head ng Housing Community Development and Resettlement Department (HCDRD), at Atty. Roderick Sacro ng Landbank of the Philippines, upang pormal na makuha ang 157 parsela ng lupain na dating pagmamay-ari ng Landbank.

Labis naman ang pasasalamat ni Ramawil 9.6 Homeowners Association Inc. president Razul Janoras sa QC LGU dahil sa pagbibigay sa kanila ng pagkakataon na magkaroon ng security of tenure sa lupain na tinitirahan na nila ng apat na dekada.

Nabatid na nakumbinsi ni City Administrator Michael Alimurung, HCDRD, at ng City Appraisal Committee, ang Landbank na i-settle ang halaga ng ari-arian sa P209,244,000 na lamang, na mas mababa sa orihinal na alok na P257,070,000.

Kasunod naman ng acquisition ng QC LGU, ang mga benepisyaryo ay kailangang magbayad sa city government para sa lupa na kanilang inookupa sa pamamagitan ng direct sale program, sa halagang P3,000 kada square meter. (Dolly B. Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.