Abante Tonite Interactive

1 dedbol, 7 NPA arestado sa Ozamiz City

364

Patay ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) habang pitong iba pa ang naaresto kabilang ang isang sugatan sa dalawang engkuwentrong naganap kontra pinagsanib na puwersa ng pulisya at sundalo sa Barangay Bagacay at Cogon sa Ozamiz City Linggo nang umaga.

Sa ulat na ipinadala ni Major Arvin Encinas, tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, dakong alas-singko ng madaling-araw ng unang sumiklab ang engkuwentro sa pagitan ng pinagsanib na puwersa ng 10th Infantry Batta­lion at 2nd PNP Mobile Force Company sa Brgy. Bagacay habang ang ikalawang sagupaan ay nang magsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad sa Brgy. Cogon.

Inaalam pa ang pangalan ng nasawi habang ang dalawang tropa ng militar na nasugatan ay dinala agad sa pinakamalapit na ospital gayundin ang isang miyembro ng NPA na sugatan din sa labanan.

Ibibigay naman sa kustodiya ng pulisya ang pitong rebeldeng naaresto para masampahan ng kaukulang kaso.

Ayon kay 10th Infantry Battalion commander Lt. Col. Ray Tiongson, nasamsam din sa mga rebelde ang isang M16 rifle, apat na caliber .45 pistol, pitong granada, tatlong motorsiklo at mga pagkain. ­(Edwin Balasa)