Abante Tonite
Mabilis sa Balita

1 o 2 COVID lang! Kalye, bahay ikakandado – MMDA

0 28

Magiging mahigpit ang bagong polisiya sa granular lockdown na ipatutupad simula ngayong Huwebes, Setyembre 16, hanggang katapusan ng buwan para makontrol ang pagkalat ng mga kaso ng COVID-19 sa isang lugar.

Sinabi ni Parañaque City Mayor Edwin Olivares, chairperson ng Metro Manila Council (MMC), na kahit isa o dalawang kaso lamang ng COVID ay awtomatikong ilalagay sa lockdown ang lugar.

Ang MMC na binubuo ng mga alkalde ang policy-making body ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Sa Laging Handa public briefing nitong Miyerkoles, sinabi ni Olivarez na kapag may nagpositibo kahit isang tao lamang sa isang condominium ay agad na ila-lockdown ang buong palapag kung saan nakatira ang COVID patient.

Ganito rin umano ang proseso sa isang bahay na mala-lockdown kapag mayroong kahit isang miyembro na nakitang positibo sa COVID.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Para naman sa isang kalsada o eskinita, dalawang kaso lamang ay damay na sa lockdown ang buong lugar.

“Kapag po sa kalsada, sa isang sitio, magdalawa lang ng case ay puwede na po na ring magkaroon ng lockdown para ma-implement natin iyong ating mass testing, iyong contact tracing pati po sa isolation on a specific clustering,” ani Olivarez.

Lahat aniya ng nakahalubilo ng mga nagpositibo sa COVID ay awtomatikong sasailalim sa swab test para matukoy agad ang mga nakontamina ng virus at para mapigilan ang mas lalo pang pagkalat nito sa lugar.

Para naman sa mga maaapektuhan ng lockdown, sinabi ni Olivarez na mayroong mga food pack na ibibigay ang lokal na pamahalaan at ang national government sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development. (Aileen Taliping/Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.