Abante Tonite Interactive

1 pang bodyguard ni Espino patay na

382

Patay na rin ang isa sa close-in security na nagsilbing personal driver ni dating Pangasinan Gov. Amado Espino Jr. na inambus noong Martes nang hapon sa Barangay Magtaking, San Carlos City, Pangasinan.

Si Agapito Cuison ay namatay habang nakaratay sa ospital dahil sa matinding mga tama ng bala ng mahahabang baril gaya ng M-16 Armalite rifle at M-14 assault rifle noong Martes ng alas-4:35 nang hapon.

Ayon sa post sa Facebook page ni Jealyn Dangla Prado, naisugod pa daw ni Cuison si Espino sa Holy Blessed Family Hospital (HBFH) sa nasabing siyudad ngunit kalaunan ay pumanaw din ito.

“Rest in Peace kuya (Cuison), isa kang bayani, kahit marami ka ng tama ng bala sa katawan at hinabol pa kau ng putok ng mga masasamang tao, talagang denerecho mo pa ang ating Ama (Espino) sa hospital, isa kang bayani,” ani Prado sa kanyang Facebook page.

Si Cuison, ang nagmamaneho ng Toyota Land Cruiser, na may plate number AAS 8236, na kung saan sakay si Espino at apat pang close-in bodyguard nang sila ay ratratin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa kalsada sa Brgy. Magtaking gamit ang mga mahahabang baril.

Nauna kay Cuison, patay naman on-the-spot ang police escort ni Espino na si P/SSgt. Richard Esguerra, na nakaupo sa tabi ni Cuison.

Si Esguerra ay namatay sa loob ng sasakyan dahil sa mga tindi ng tama ng bala ng mga baril habang ang dalawa pang bodyguard na sina Jayson Tolentino, Kervin Marbori ay malubhang nasugatan dahil tinakluban nila ang dati nilang gobernador.

Ayon sa report, sinabi sa binuong Special Investigation Task Group (SITG) ng Police Regional Office-1 (PRO-1) sa pamumuno si regional director P/Brig. Gen. Joel Sabio Orduña na isang pulang Hyundai Elantra na ginamit umano ng mga suspek ang nakita sa Brgy. Cobol at Ford Everest sa Brgy. Pasima. Nakita rin ang tatlong M-16 Armalite rifle sa Hyundai Elantra habang dalawang M-14 rifle at dalawang M-16 sa Ford Everest na umano’y ginamit ng mga suspek. (Allan Bergonia)