Abante Tonite Interactive

1 pang Taal bakwit nasawi

260

Isa pang bakwit mula sa pagsabog ng Bulkang Taal ang nasawi habang nasa evacuation center sa San Pascual, Batangas.

Sa report ay kinilala ang nasawing si Felina de Roxas, 57, residente ng San Nicolas Batangas sanhi ng cardiac arrest.

Nabatid kay San Pascual medical health officer Dr. Rosalina Caraan na habang abalang naglalaba ang biktima sa San Antonio Elementary School sa evacuation center nang bigla na lamang itong mahirapang huminga.

Agad naman itong isinugod sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklara ring patay.

Nabatid na bago nasawi ang biktima ay dumaranas ito ng hypertension at asthma condition.

========

3 sasakyan sinuyod ng dump truck

Tatlo katao ang nakaratay ngayon sa pagamutan nang suyurin ng isang dump truck ang tatlong sasakyan, Biyernes ng hapon sa Koronadal City.

Sa ulat, ganap na alas-dos ng hapon nang maganap ang aksidente nang mawalan umano ng preno ang dump truck na noo’y patungong Brgy. Poblacion.

Nasugatan sa insidente ang driver at pasahero ng tricycle kabilang ang driver ng elf truck.

Batay sa isinagawang pagsisiyasat ng Koronadal Traffic Management Unit, nagtuloy-tuloy sa kabilang lane ang dump truck kaya nabangga nito ang isang tricycle, pickup truck at elf truck na may kargadang mga tubig.

Inako naman ng driver ng dump truck ang gastusin ng mga nasugatan biktima gayundin ang pagpapaayos sa mga nasirang sasakyan kaya hindi na nauwi sa demandahan ang insidente.

===========

2 pulis natakasan ng preso, kalaboso

Kulungan ang bagsak ng dalawang pulis matapos silang matakasan ng isang preso sa Police Station 9 sa Bacolod City nitong Biyernes.

Kinilala ang mga ikinulong na pulis na sina Police Staff Sgt. Jose Miguel Rogacion at Patrick Daniel Oro.

Ayon sa ulat, on-duty jailer si Rogacion habang desk officer naman si Oro nang makatakas ang 29-anyos na si Gabriel Libo-on.

Barbecue stick umano ang ginamit ni Libo-on para mabuksan ang kandado ng selda saka dumaan sa likod ng police station para makatakas.

Nahuli si Libo-on noong nakaraang linggo sa isang buy-bust operation sa Brgy. Sum-ag.

Samantala, mahaharap sina Rogacion at Oro sa mga kasong kriminal at administratibo dahil sa paglabag sa Revised Penal Code. (Issa Santiago)