Abante Tonite Interactive

1 sa mga suspek, SK kagawad 16-anyos ginahasa ng 4 na ka-facebook

By
2,685

Dahil sa social media, napariwara ang buhay ng isang 16-anyos na dalagita sa kamay ng isang SK kagawad at tatlong katropa nito na nakilala niya lamang sa Facebook makaraang halinhinang gahasain matapos makipag-eyeball at makipag-inuman sa Barangay Ligas, Malolos City, Bulacan kamakalawa.

Base sa report ni P/Senior Supt. Chito G. Bersaluna, acting provincial director ng Bulacan Philippine National Police (PNP), nakilala ang mga naarestong suspek na sina Christian Castro, 21-anyos, SK kagawad ng Barangay Ligas, Malolos City at kaibigan nitong isang 17-anyos na binatilyo habang pinaghahanap pa ang dalawa nilang kasamahan sa gang rape.

Ang suspek na si Castro ay nakadetine ngayon sa Malolos City Jail habang nasa pangangalaga naman ng DSWD-Malolos City ang binatilyong suspek habang doon din dinala ang 16-anyos na biktimang dalagita na itinago sa pangalang ‘Neneng’, residente din sa nasabing lungsod.

Nabatid na naganap ang insidente noong Martes, bandang alas-11:00 ng gabi matapos na makipagkita ang biktimang dalagita sa suspek na si Castro na nakilala lamang niya sa Facebook hanggang sa mauwi sa inuman ang pagkakakilala nila kasama ang tatlo pang kaibigan sa Brgy. Ligas, Malolos City.

Sinasabing nang malasing ang biktima ay dinala ng tatlong suspek si Neneng sa isang abandonadong apartment at doon nila pinilahan.

Walang nagawa ang biktima dahil sa matin­ding hilo dulot ng ininom na alak.

Kahit nanghihina ay pinilit na makauwi sa kanilang tinitirhan si Neneng na agad na isinumbong sa kaanak ang ginawang kalapastanganan ng mga suspek.

Mabilis na nadakip ng Malolos City-PNP ang SK kagawad na si Castro at isa pang kaibigan nitong binatilyo habang patuloy pang tinutugis ng awtoridad ang dalawang kasamahan.

Samantala, dinala ang biktima sa Bulacan Provincial Crime Labo­ratory-Malolos City upang makuhanan ng genital examination.