Abante Tonite
Mabilis sa Balita

10 Artista, 320 Politiko sa PDEA watch

0 742

Sampung artista at 320 politiko na kabilang sa mga tinuturing na high value target (HVT) ang nasakote ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) simula nang ipatupad ang mas maigting na giyera kontra iligal na droga ng administrasyong Duterte.

Mayroong mga nakalaya na, inabsuwelto sa kaso at pansamantalang lumaya matapos makapagpiyansa subalit tiniyak ng PDEA na pinamumunuan ni Director General Wilkins Villanueva, na patuloy nilang binabantayan ang mga drug personality na kanila nang nasakote.

Sa eksklusibong panayam ng programang `Ronda Probinsya’ sa Abante Radyo Tabloidista nitong Sabado, sinabi ni PDEA spokesperson Derrick Carreon na bagamat wala siyang access sa intelligence network ng ahensya ay kinumpirma niya ang nasabing bilang ng mga artista at politiko na naaresto ng PDEA hanggang nitong buwan ng Hulyo.

“Unfortunately, wala po akong access doon sa tinatawag nating intelligence watch list, pero definitely kasama po sa kategorya ng high value target `yong mga celebrities,” ani Carreon.

Sinabi ni Carreon na hindi natatapos sa pag-aresto ang kanilang ginagawang pagsugpo sa iligal na droga. “Hindi naman tayo nagpapabaya sa pag-monitor sa mga ito,” aniya pa.

Nabatid na mula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte kabilang sa mga naarestong celebrity ay sina Mark Anthony Fernandez na nakalaya na; Krista Miller pero absuwelto sa kaso; Sabrina M, nakalaya na rin; radio disk jockey Karen Bordador; CJ Ramos, nakalaya na rin matapos magpiyansa; rapper Zaito; Julio Diaz; at Star Magic talent Angela Zamora.

Idinagdag pa ni Carreon na base sa record ng PDEA, simula Hulyo 1, 2016 hanggang nitong Mayo 31 ngayong taon ay nasa 9,350 HVT na ang kanilang naaaresto kabilang ang 261 foreigner; 320 government official o ang mga nahalal na mga opisyal ng gobyerno; 90 uniform personnel; 376 government employees; 2,697 na indibiduwal; at 735 drug group.

Sa 320 nasakoteng government official pinakamataas na posisyon, ayon kay Carreron, ay ang provincial board member, vice mayor at pababa ng barangay. (Allan Bergonia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.