Abante Tonite Interactive

10 barangay sa Navotas nilagay sa ECQ

0 307

Sinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang 10 barangay sa Navotas City para malabanan ang banta ng coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Navotas City Mayor Toby Tiangco, epektibo kahapon, May 23, nasa ECQ ang mga sumusunod na Barangay NBBS Dagat-Dagatan, NBBS Kaunlaran, NBBS Proper, San Jose, NBBN, Sipac Almacen, Daanghari, Tangos North, Tangos South, at San Roque.

Magtatapos ang ECCQ sa mga nabanggit na lugar hanggang sa May 31, alas-11:59 ng gabi.

Sa ilalim ng tinakdang guideline, tanging ang mga may hawak lang ng quarantine pass ang maaaring lumabas sa kanilang mga tahanan para bumili ng mga pangunahing pangangailangan, tulad ng pagkain at gamot, alinsunod sa schedule ng market day sa kanilang barangay.

Ang mga public market, grocery at talipapa ay pinahintulutang mag-operate simula alas-singko ng umaga hanggang alas-otso ng gabi.

Ang mga essential workers o mga nagtatrabaho sa mga industriya na pinahintulutang magbukas ng Inter-Agency Task Force sa ilalim ng ECQ, ay papayagan ding lumabas gayunman, kailangan nilang magpakita ng company ID o ng certificate of employment.

Lahat rin ng mga lalabas sa bahay ay kinakailangang magsuot ng face mask, at obserbahan ang dalawang metro ng physical distancing at pag-iwas sa mga matataong lugar.

Pinaalalahan rin ng lokal na pamahalaan ang mga bata at senior citizen na huwag nang lumabas sa mga bahay nito maliban kung emergency.

Ayon pa sa alkalde noong Biyernes, mayroon nang 138 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa kanilang lungasod.

“Ang paghihigpit po na kaakibat ng pagpapatupad ng ECQ ay para rin sa ating kabutihan. Kailangan po nating mapigil ang pagdami ng mga kaso ng COVID-19. Malaki po ang maitutulong ng pananatili sa bahay para maiwasan nating mahawaan tayo o makahawa tayo sa iba,” ayon pa sa alkalde.

Tonite – Wendys Inhouse Ad