Abante Tonite Interactive

10 barangay sa QC pinatutukan sa dengue

172

Ipinag-utos ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mahigpit na pagsubaybay at maigting na kampanya laban sa dengue, partikular sa 10 barangay ng lungsod na may pinakamaraming bilang ng mga kaso ng nasabing sakit.

Kabilang sa mga barangay na ito ay ang Fairview, Payatas, Commonwealth, Holy Spi­rit, Batasan, Pasong Tamo, Bagong Sila­ngan, Bagbag, Tandang Sora at Tatalon.

Batay sa datos, u­mabot na sa 3,502 ang mga kaso ng dengue sa QC at nasa 29 katao na ang nasawi mula Enero hanggang Agosto 10 ngayong taon. Pero 15 porsiyento umano na mas mababa ito kum­para sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Ayon kay Belmonte, magkakasama ang QC Health Department at mga barangay health worker para sa araw-araw na search and destroy at spraying campaign sa mga nabanggit na lugar.

Naglabas din ang alkalde ng isang memorandum na nag-uutos sa mga pampublikong paaralan upang hikayatin ang mga mag-aaral na magsuot ng mga long-sleeved shirt at mahabang pantalon.

“Ito ang isa sa mga agarang aksiyon ng lungsod dahil nalaman namin na ang edad o group na pinaka-tinatamaan ng dengue ay mga bata na 1 hanggang 10 taong gulang,” ani Belmonte.

Nanawagan din si Belmonte sa mga resi­dente na makipagtulungan sa mga pagsisikap ng lokal na pamahalaan na labanan ang dengue, lalo na ang pag-spray, na matagal nang napatunayan na epektibo, upang maiwasan ang outbreak. (Riz Dominguez)