Abante Tonite
Mabilis sa Balita

10 Chinese pumuslit sa Palawan

0 226

Hinarang ng mga awtoridad ang 10 Chinese national na lumabag sa travel ban matapos silang mamataan sakay ng isang yate nitong Lunes sa Puerto Princesa, Palawan.

Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Palawan station commander Commodore Allan Corpuz, namataan ng mga residente Lunes ng gabi na palutang-lutang sa laot ang nasabing yate at nakita ang isang Chinese national sa dalampasigan.

Nang kinausap ng awtoridad ang dayuhan ay nagwala umano ito kaya pinosasan at dinala sa himpilan ng PCG. Dito sinabi ng Chinese na mayroon pa siyang 9 na kababayan sa yate.

Ipinakita din nito ang kaniyang ID mula sa kompanya at ang special resident retirees visa na ibinibigay sa mga dayuhan na maaaring magpabalik-balik sa bansa. Nabatid na nabili ng kompanyang pinapasukan nito ang lupa sa Barangay Concepcion.

Sa ginawang paglilibot ng mga tauhan sa sinasakyang yate ay wala naman silang nakitang anumang kahina-hinalang bagahe sa loob nito.

Subalit dahil lumabag sila sa health protocol ng gobyerno dahil sa pandemic na at sa Agosto 1 pa papayagang makapasok sa bansa ang mga dayuhan na may permanent at immigrant visa, mananatili muna sa laot ang mga Chinese. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.