Abante Tonite Interactive

10 menor de edad nasagip, 3 bugaw timbog sa Cainta

By
2,293

Arestado ang tatlong bugaw habang 10 dalagita at dalawang babae naman ang nasagip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawang entrapment operation ng NBI-Rizal District Office kamakalawa sa isang resort sa Pililia, Rizal.

Iprenisenta sa media ang mga suspek na sina Tania Versoza Ramos, Ediven John R. Joven at Manolo Vicente Boca na pawang naaresto ng mga operatiba ng NBI-RIZDO sa Acedeo Country ­Resort matapos mabitag sa ope­rasyon.

Nabatid na sa pakiki­pag-ugnayan ng Destiny Rescue Philippines, isang internationally recognized Christian organization sa NBI, iniulat nila ang iligal na aktibidad o pagbebenta ng panan­daliang aliw ng mga kababaihan kabilang ang mga minor sa ilang hotel at resort sa Tanay at Pililia, Rizal.

Abante Hiring – IT dep

Agad na iniutos ni NBI Director Dante Gierran ang pagkilos kaya isinagawa ang surveillance at ikinasa ang operasyon.

Nagpanggap na kli­yente ang isang asset ng NBI at nakipagkita ang mga suspek sa nasabing resort at sa pagkakataong nagbayad na para sa in-order na mga babae ay inaresto ng mga operatiba ang mga suspek.

Kasama ng NBI-RIZDO ang mga tauhan ng Office of the Deputy Regional Operations Service (ODDROS) ng NBI, mga barangay official sa lugar at mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na saksi sa aktuwal na pambubugaw ng mga suspek sa nagpanggap na customer.

Sinuri ang mga ngi­pin ng mga nailigtas na kababaihan at natukoy sa dental examinations na 10 ang mga menor de edad, na kasalukuyang nasa pangangalaga ng DSWD.

Sinampahan na ng kaso ang mga nahuli.