Abante Tonite Interactive

10 presong tumestigo vs De Lima nilipat ko – Duterte

0 439

Binigyang-katwiran ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paglilipat sa ilang high profile convict na tumestigo laban kay Senador Leila de Lima, mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City patungo sa barracks ng Philippine Marine Corps sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Sa kanyang talumpati sa groundbreaking ceremony ng isang housing project sa Naga City, Cebu Biyernes ng gabi, sinabi ng Pangulo na iniutos niya ang paglilipat para sa seguridad ng mga testigong preso.

Naniniwala ang Pangulo na may mga kaalyado pa si De Lima sa loob ng pambansang bilangguan na maaaring pumatay sa mga testigo.

“There’s an issue that I did not allow some prisoners to be incarcerated in the penitentiary, Muntinlupa. I had them transferred to the Marines. Why? Because I was afraid that de Lima still has men there, and if they testify they will be killed,” anang Pangulo.

Hindi na umano hihintayin pa ni Pangulong Duterte ang panahon na wala ng magsasabi ng katotohanan kaya niya iniutos ang paglilipat sa mga testigong preso.

Inilipat sa barracks ng Philippine Marine Corps ang 10 high profile convict noong buwan ng Hunyo.

Kabilang sa mga ito ay sina Peter Co, Joel Capones, Jojo Baligad at Froilan Trestiza na tumestigo laban kay de Lima. (Aileen Taliping/Prince Golez)