Abante Tonite
Mabilis sa Balita

10 pulis buking sa dinoktor na swab test

0 110

Tatlumpu’t dalawang katao, kabilang ang 10 pulis ang nahuli ng lokal na awtoridad ng Zamboanga City matapos nilang magtangkang pumasok sa lungsod gamit ang mga pekeng reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test result.

Ayon kay Zamboanga City Tourism Officer Sarita Sebastian kamakalawa, ang mga nasabing personalidad ay dumating lulan ng barko galing sa mga kalapit-lalawigan na Sulu at Basilan.

Napag-alaman pa kay Sebas­tian na apat na pulis ang mula sa Basilan habang ang anim naman ay mula sa Sulu.

Samantala, sa 22 sibilyan, tig-11 ang galing sa Basilan at Sulu.

Ayon sa tourism officer, nadis­kubre ang isinumiteng pekeng RT-PCR tests ng nasabing mga indibiduwal sa isinagawang profiling ng city health office.

Patuloy pa rin kasing ipinatu­tupad ang patakarang “no swab test, no entry” sa pagpasok sa Zamboanga City na nakasaad sa Executive Order No. 644-2021 ni Zamboanga City Mayor Maria Isabelle Climaco-Salazar, matapos isailalim sa general community quarantine ang buong lungsod hanggang katapusan ng Hulyo.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang lokal na pamunuan ng Zamboanga City sa Basilan at Sulu para sa isasagawang imbestigasyon.

Bukod sa negatibong RT-PCR test result, kailangan din ng valid ID at iba pang dokumento ng pagbi­yahe para makapasok sa naturang lungsod. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.