Abante Tonite Interactive

10 sako, 2 drum ng mga bawal sa MNC nasamsam

0 85

Umabot sa 10 sako at dalawang drum ng mga flammable material ang nakumpiska ng mga awtoridad mula sa mga bumisita sa Manila North Cemetery (MNC) nitong Undas.

Nabatid sa Manila Police District (MPD) na mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 1 lamang ay halos 8,000 mga ipinagbabawal na gamit ang nakolekta nila mula sa mga taong bumisita sa mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Karamihan umano sa mga nakumpiska ay flammable material katulad ng alcohol, cologne, pabango, mga sigarilyo at lighter. Kabilang pa sa mga kinum­piska ay kutsilyo, itak, martilyo, pintura, baraha at ilang bote ng alak.

Inaasahan namang tataas pa ang bilang ng mga nakumpiskang bagay dahil patuloy pa ang pagdating ng mga tao sa loob ng MNC nitong Sabado sa kabila ng bahagyang masamang lagay ng panahon.

Samantala, bukod sa mga banned item, trak-trak na basura rin ang hinakot sa loob ng MNC.

Sa kabila rin na walang tigil ang paglilinis ng mga tauhan ng Manila
Department of Public Services (DPS) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay marami pa ring nakakalat na mga Styropor, balat ng tsitsirya, mga plastic bottle at iba pang basura sa loob ng sementeryo.

Nabatid na mula alas-singko ng madaling-araw nitong Sabado ay mahigit apat na truck na ng basura ang nahakot sa MNC. (Juliet denLoza-Cudia)