Abante Tonite Interactive

101-anyos na lola trending sa ABS-CBN video

397

Patuloy na naghahatid ng inspirasyon ang anniversary video ng ABS-CBN tampok ang isang 101-anyos na Kapamilya fan dahil sa pagpapakita nito ng pagmamahal sa pamilya, lalo na sa mga nakatatanda.

Mayroon nang mahigit 830,000 views sa Facebook at YouTube ang video, kung saan mapapanood ang pagbisita ng cast ng “Kadenang Ginto” sa Pampanga para makilala at makasama si Panfila “Mama Nene” Pingul, isang tapat na tagasubaybay ng Kapamilya network.

Ayon kay Mama Nene, napapasaya siya ng mga teleserye lalo na at nag-iisa na siya ngayon dahil nasa ibang bansa ang mga anak, samantalang may Alzheimer’s disease ang kanyang asawa. “Masakit pala ang naiiwan,” aniya. “[Pero] sa panonood ng ABS-CBN, nakahanap ako ng makakasama.”

Hinandugan ng ABS-CBN si Mama Nene ng simple pero masayang selebrasyon ng Mother’s Day, kung saan nakakuwentuhan siya ng mga bida ng paborito niyang programa na sina Andrea Brillantes, Francine Diaz, Dimples Romana, at Beauty Gonzalez.

Ani Dimples, “Grabe ang sarap ma-meet ‘yung pinaka-Lola nating Kapamilya. She’s 101 years old and she watches all our shows mula sa paggising niya hanggang sa gabi. Parang nakakataba ng puso na maging parte ng buhay niya.” (RFC)