Abante Tonite Interactive

Stress-related dream

By
54
Napanaginipan ko ang anak ng kaibi­gan ko na namatay, may da­lawang linggo pa lamang ang nakakaraan.
Sa katotohanan po, siya ay nag-suicide, tumalon mula sa 13th floor. Sa aking panaginip, nasa loob kami ng isang kuwarto at may pinabubuksan siya sa akin na laptop.
Kitang-kita ko ang mukha niya na napakaputi. Wala naman akong naramdamang takot sa panaginip ko. Sabi ko sa kanya, hindi ko alam ang password kaya ibinigay nya sa akin ang password para mabuksan ko ang laptop.
Paglingon ko, nakita kong gumulong-gulong na siya sa napa­katarik na hagdan kaya nagsisigaw ako. Habang gumugulong siya pababa ng hagdan, nakatingin siya sa akin at sinasabi niyang gawin ko daw.
Hindi ko naman maintindihan kung ano ang ipinagagawa niya sa akin at doon na ako nagising.
Kinabukasan, laman ng isip ko ang panaginip ko at nagpunta ako sa building kung saan siya nagpakamatay.
Naisip ko ring magpakamatay tulad ng ginawa nya pero naalala ko ang anak ko kaya hindi ko iyon ginawa.
Iba’t iba tayo ng nagiging pagtanggap sa isang masamang ba­lita lalo na kung na­ging malapit sa atin ang ­taong concerned.
Dahil malagim ang nangyari sa anak ng iyong kaibigan, natanim ito sa isip mo at nagdulot sa iyo ng mental at emotional stress. Hindi man ikaw ang direktang namatayan, ramdam mo ang trahedya dahil kaibigan mo ang ina ng nagpakamatay at dahil tulad niya ay isa ka ring magulang kaya nakaka-relate ka sa masakit na pagkawala ng anak ng iyong kaibigan.
Dahil dito, hindi kataka-taka na napanaginip mo ang anak ng iyong kaibigan. Pero ang iyong panaginip ay bunga lamang ng stress at hindi natin puwedeng ituring na nagkaroon ka ng ‘vi­sitation dream’ o totoong nakausap mo ang ispiritu ng anak ng iyong kaibigan. Malaki ang nagagawa ng depresyon sa isang tao at isa itong mabigat na karamdaman na kapag hindi naagapan ay puwedeng kumitil ng buhay tulad na lamang ng nangyari sa anak ng iyong kaibigan.
May mga paraan para labanan ang depresyon at kung ito’y iyong nararamdaman, dapat mong libangin ang iyong sarili. Ibalik ang positibong pananaw sa buhay. Magpokus sa iyong anak, sa iyong mga mahal sa buhay na higit na masasaktan kung sakaling matukso kang gumawa ng hindi maganda sa iyong sarili.
Isipin ang magagandang pangarap mo para sa iyong pamilya.
Ang iyong panaginip ay dala lamang ng stress. Hindi na dapat nating bigyan ng ibang kahulugan at interpretasyon. Hindi rin ito dapat gamiting basehan para gumawa ng hindi maganda sa sarili mo.
Walang koneksyon ang buhay mo sa naging buhay ng anak ng iyong kaibigan. Kung anuman ang nagtulak sa kanya para gawin ang kanyang ginawa, iyon ay kanyang desisyon na hindi dapat makaimpluwensya sa iyo.
Maging matatag. Sa halip na magpokus sa mga kalungkutan ng buhay, magpokus ka sa mga nagpapasaya sa iyo. Kung ito ay ang iyong anak at ang iyong pamil­ya, gawin mo silang inspirasyon para patuloy na magpursige sa buhay. Gamitin mo ang kanilang mga pangarap sa buhay para magpa­katatag. Kung nais mong ibigay ang kanilang kaligayahan, ipagpatuloy ang pagsisikap para mas gumanda pa ang inyong buhay.
– Dream Catcher
***
DISCLAIMER: Ang DREAM CAT­CHER  ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang pana­ginip, mag-email sa abantedreamcat­cher@gmail.com.