Abante Tonite Interactive

10th straight win kinamada nina James, Davis, Lakers

0 224

Inilatag nina Anthony Davis at LeBron James ang maagang dominasyon ng Los Angeles Lakers, naupo na ang dalawang superstars sa fourth quarter at pinanood ang mga kakamping kumumpleto as 125-103 win laban sa Washington Wizards.

Nagtuhog na ng 10 straight wins ang Lakers, unang pagkakataon sapul noong 2009 na sinakyan nina Kobe Bryant at Pau Gasol para kolektahin ang pinakahuling kampeonato ng team.

Humaharabas na muli sila sa kaagahan ng season.

“That’s the best team in basketball,” deklaras­yon ni Wizards coach Scott Brooks. “Their record is 17-2 for a reason.”

Tumapos si Davis ng 26 points at 13 rebounds, may 23 points at 11 assists si James Biyernes ng gabi.

Nagdagdag pa si Quinn Cook ng 17 points, sumaklolo ng 15 points at 11 rebounds si JaVale McGee sa Lakers na 14-1 nitong November at lumundag sa itaas ng NBA standings. Ngayon lang ulit nanalo ng ganito karami sa isang buwan ang Lakers mula March 2000 – isa pang season nila na natapos sa championship banner.

Franchise best-tying na ang 17-2 ng team.

Nagsumite ng 18 points at 9 assists si Bradley Beal sa Wizards, may 16 markers at 8 boards si rookie Rui Hachimura.

Nag-deliver ng 8 points, 5 rebounds at 2 blocked shots si Dwight Howard sa unang laro niya kontra Wizards. Pumirma si Howard sa Washington noong July 2018, naka-siyam na laro lang bago iginupo ng spinal injury at hindi na nakabalik. Nitong offseason ay tinanggap niya ang papel bilang support cast nina LeBron at Davis sa LA. (VE)