Abante Tonite
Mabilis sa Balita

11-anyos inutusang magnakaw ng ka-cybersex

0 669

Arestado ang isang 29-anyos na lalaki sa ginawa nitong cyber blackmail at sexual harassment sa 11-anyos na batang babae sa social media matapos ang isinagawang operasyon ng Philippine National Police-Anti Cyber Crime Group (PNP-ACG) sa San Rafael, Bulacan ayon sa ulat kahapon.

Naaresto ang suspek na nakilalang si Harold Duran, 29, sa kanyang tinitrahan sa San Rafael, Bulacan nitong Sabado ayon sa ulat ni PNP-ACG Region 4-A chief Police Col. Julius Suriben matapos ang reklamo ng mga magulang ng isang 11-anyos na babae na kanyang hinihingan ng pera kapalit ng hindi paglabas ng mga hubad na larawan nito sa social media.

Napag-alaman kay Suriben na gumawa ng pekeng account sa social media ang suspek at nagkunwari itong bata sa pamamagitan ng pag-post ng litrato ng isang batang lalaki upang maakit ang biktima.

Matapos ma-add sa ginawang pekeng account ay nakipag-chat na ang suspek sa bktima at nang makuha na nito ang loob ng bata ay saka na nito inutusang gumawa ng malalaswang bagay katulad ng paghubad nito sa harap ng camera.

Matapos nito ay doon na isinagawa ng suspek ang pag-blackmail sa biktima sa pamamagitan ng paghingi ng P2,000 kapalit ng hindi nito paglabas ng mga hubad niyang larawan sa social media.

“Lahat no’ng pinapagawang kalaswaan ni Harold ay ginawa nitong bata kung saan nire-record ng suspect. Inuutusan pa nitong magnakaw ng pera ang bata sa kanyang mga magulang para ipambigay sa kanya,” saad pa ni Suriben.

Dahil dito humingi na ng tulong ang biktima sa mga magulang nito dahilan upang magtungo sila sa tanggapan ng PNP-ACG Region 4-A.

Nakuha ng pulisya sa pag-iingat ng suspek ang isang cellphone kung saan bukod sa biktima ay may ilang kabataan pa na may naka save ang mga hubad na litrato. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.