Abante Tonite Interactive

11 dagdag-singil ng Maynilad-MVP tinapyasan

By
178

Binawasan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System ng halos kalahati ang hinihinging taas singil ng Maynilad Water Services Inc. na pag-aari ng binatang bilyonaryong si Manny V. Pangilinan.

Nasa P11 per cubic meter ang hinihinging dagdag singil ng Maynilad pero P5.73 per cubic meter laman ang irere­komenda ng regulatory office ng MWSS sa Board of Trustees nito.

Utay-utay din ang inirekomendang taas at ang una ay maisasagawa na ngayong Oktubre at makikita sa water bill sa Nobyembre.

Sabi ni MWSS chief regulator Patrick Ty, ‘staggered’ ang dagdag singil para hindi masyadong masakit para sa konsumer na nahihirapan na dahil sa mataas na presyo ng maraming bilihin.

Masyado nang pahirap kung gagawing one-time big-time ang taas. Ngayong Oktubre, 90 sentimos per cubic meter ang itataas sa singil.

Muli itong itataas ng P1.95 per cubic meter sa January 2020 at isa pang ulit na P1.95 per cubic meter ang itataas sa January 2021.

Sa January 2022, itataas pa ulit ito ng 93 sentimos. Para sa mga kumokonsumo ng 10 cubic meters lamang, P2.40 ang kabuuang taas sa monthly bill. Ang dating P88.73 na bill ay magiging P91.13.

Sa kumokonsumo ng 15 cu. m. sa isang buwan, aakyat sa P250.06 ang bayarin, mas mataas ng P6.53 sa binabayarang P243.53 sa ngayon.

Noong Enero pa dapat nagtaas ng singil­ ang mga Maynilad at Manila Water ayon sa kanilang kontrata sa MWSS pero nagtagal dahil kumuha pa ng consultants ang MWSS para mas masusing mapag-aralan ang mga business plan ng dalawang concessionaires.

Pinapayagan ng MWSS na magtaas ang Maynilad at Manila Water kada limang taon lamang.