Abante Tonite Interactive

11 malalaking proyekto nabuo sa unang 100-araw ni Zamora

0 193

Matagumpay ang 100-araw ni San Juan Mayor Francis Zamora na kanyang ibinida sa kanyang State of the City Address (SOCA) na ginanap sa loob ng San Juan City Hall, Martes ng umaga.

Ibinida ng alkalde na nakabuo sila ng 11 malalaking proyekto at programa na handang maipagmalaki ng taga-San Juan.

Pinagmalaki rin ng alkalde ang nakamit na parangal mula sa Graphic Magazine kung saan kinilala ang kanyang pagbuwag sa halos 50-taong monopolya ng nakaraang administrasyon, ang parangal sa BizNews Asia na tinuring siya bilang NextGen leaders.

Ang pagkilala ng Esquire Philippines Magazine na kung saan ay kasama si Mayor Zamora sa tatlong “giant slayers”, ang pagiging aktibo sa Metro Manila Councils na kung saan ay nakikipagtulungan para sa ikagaganda ng San Juan.

Naungkat din ng alkalde ang mga katiwalian at anomalya sa loob at labas ng city hall mula sa nagdaang administrasyon. Ngunit sa kabila ng lahat ng nabuking na batikos at anomalya, hindi pa rin nagpatinag si Mayor Zamora, bagkus ay umaksyon at gumawa ng nararapat para mabura ang nagdaang kamalian.

Isa sa maipagmamalaki ni Mayor Zamora ay ang pagpapatayo ng 22-storey high rise, in city socialized public housing project mula sa pondo ng National Housing Authority at isang pabahay project para sa mga residente ng San Juan na walang sariling tahanan.

Sumunod ang paglalagay ng libreng wifi sa buong San Juan na una nang ipinangako ng alkalde sa kampanya at nagsimula noong September 25. Nabigyan ng libreng wifi ang may 21 barangay, lahat ng police stations, pampublikong paaralan, public market, health centers, mini parks at lahat ng lugar sa lungsod.

Umabot naman sa P1.69-B ang kabuuang halaga ng infrastructure projects ng alkade sa loob ng 100 –araw.

Ibinida pa nito ang mahigpit na pagpapatupad ng mga sagabal sa buong San Juan na kung saan ay naparangalan ito na 100% compliant sa road clearing operations mula sa Department of Interior and Local Government.

Hindi naman isinantabi ng alkalde ang usaping edukasyon na kung saan naglaan ng karagdagang classroom sa West Crame, San Juan, San Juan National at San Perfecto Elementary School.

Nakipag-ugnayan din ang San Juan LGU sa ilang ospital para makatulong sa mga pasyenteng taga-San Juan.

Naging maagap ang kapulisan sa pagpapatupad ng peace and order sa San Juan maging ang pagsugpo sa illegal na droga.

Nabigyan ng sapat na trabaho sa pamamagitan ng San Juaneno First Policy, Mega Job Fair at TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged na kung saan marami ang nagpasalamat sa alkalde dahil nabigyan sila ng magandang trabaho.

Patuloy pang aaksyon si Mayor Francis Zamora para sa mas ikauunlad ng San Juan at para sa makabagong San Juan.