Abante Tonite Interactive

11 nahulihan ng baril, bala, kutsilyo sa checkpoint

579

Timbog ang 11 katao matapos mahulihan ng baril, bala at kutsilyo sa quarantine checkpoint sa Quezon City noong Sabado ng hapon.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director Brig. Gen. Ronnie Montejo ang mga suspek na ang ilan ay nakasuot pa aniya ng combat boots at camouflage uniform na sina Rogelio Alamo, 62; Alexander Rosal, 40; Freddie Tamba, 37; Julius Real, 42; Jolito Abines, 32; Johnrey Canino, 22; Rolando Bermudo, 53; Francisco Cambaya, 42;, pawang residente ng San Jose Del Monte City, Bulacan; at sina Jenego Oracoy, 36; Diorico Judith, 48; at Rolando Pineda, 39, mga nakatira sa Caloocan City.

Batay sa ulat ng QCPD, sinabi umano ng mga suspek na galing sila sa Maharlika Village sa Taguig City at mamimigay ng relief goods sa kanilang mga kababayan.

Nabatid na dakong alas-4:30 ng Sabado ng hapon sakay ang mga suspek ng multi-cab at tatlong motorsiklo nang sitahin ng mga tauhan ng Galas Police Statin 11 sa isang quarantine checkpoint sa harao ng Police Community Precinct 2 sa Aurora Boulevard, Brgy. Dona Imelda, Quezon City.

Subalit binalewala umano ng mga suspek na sakay ng motorsiklo ang mga awtoridad at pinaharurot ang kanilang sasakyan gayunman naharang pa rin sila.

Pinababa rin ang kanilang mga kasamahan na sakay ng pulang multi-cab na may plakang VIR 531 dahil sa paglabag sa pinatutupad na social distancing.

Kinapkapan umano ang mga suspek at doon nahuli ang mga dala nilang dalawang baril na caliber .38 revolver, walong bala nito, at tatlong kutsilyo.

Dinala ang kanilang mga motorsiklo at multi-cab sa impounding area.

Ayon kay Montejo, sasampahan ng kaso sa Quezon City Prosecutor’s Office ang mga suspek dahil sa resistance and disobedience to a person in authority o agent of such person at paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, at illegal possession of bladed weapon.

Tonite – Wendys Inhouse Ad