Abante Tonite Interactive

$110M binawi ng mga dayuhang investor

406

Patuloy pa ring bina­bawi ng mga dayuhan ang kanilang puhunan sa stock at money market ng Pilipinas.

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), nasa $110.7 milyon na naman ang inilabas ng mga dayuhang negosyante noong ikatlong linggo ng Enero.

Ito ang pang-11 linggong tuloy-tuloy ang paghugot ng mga dayuhang negosyante ng pera sa stock at money market ng Pilipinas.

Noong 2019, nasa $1.9 bilyon ang binawi ng mga dayuhang negosyante sa foreign portfolio investment sa bansa o iyong mga pinuhunan nila sa stock market dito.

Samantala, nagbabala si Economic Planning Secretary Ernesto Pernia na hihilahin pababa ang ekonomiya ng Pilipinas dahil sa pagkalat ng novel coronavirus sa mundo.

Bumagal na ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa 5.9% noong 2019 na pinakamahina nito sa loob ng walong taon at maaari pa itong bumagal sakaling magtagal ang sitwasyon.

Ayon kay Pernia, 0.06% ang matatapyas sa paglago ng ekonomiya kung hanggang ngayon Pebrero lamang ito tatagal, batay sa inisyal na pagtataya ng National Economic and Development Authority (NEDA).

Kung aabot ito ng Hunyo, 0.3% ang mababawas at kung aabot ito ng hanggang Disyembre, 0.7% ang mawawala.

Malaki kasi ang dagok nito sa turismo na katumbas ng 12% ng ekonomiya ng Pilipinas.

Ang pananaw na mababawasan ang paglago ng ekonomiya ay kung walang Chinese tourist na darating sa bansa at kung mababawasan ng 10% ang iba pang mga dayuhang turista na darating sa Pilipinas.

Target kasi ng administrasyong Duterte ang 6.5 hanggang 7.5% na paglago ng ekonomiya ngayong taon. (Eileen Mencias)