Abante Tonite Interactive

113 namuro sa 1B Ultra Lotto jackpot

524

Siguradong labis ang panghihinayang ng 113 mananaya matapos mahagip ang lima sa anim na numerong kumbinasyon ng Ultra Lotto 6/58 na may premyong lagpas na sa P1 bilyon piso.

Sa huling bola noong Martes, lumabas ang winning combination na 12-16-46-03-38-36 na may premyong P1,026,264,340.

Bagama’t namuro lang sa jackpot, makakatanggap naman ng consolation prize na tig-P158,760 ang 113 mananaya dahil sa limang numerong tinamaan nila sa Ultra Lotto.

Ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), ang mga mananaya ay maaring tumanggap ng consolation prize ng hanggang P280,000 subalit depende ito sa kabuuang benta na malilikom at bilang ng nanalo sa isang partikular na draw.

Samantala, isang mananaya naman nanalo ng P97,384,918 jackpot ng Super Lotto 6/49 na binola din noong Martes nang gabi.

Ang P1.02 bilyon jackpot prize ng Ultra Lotto ang pinakamalaki sa kasaysayan ng lotto sa Pilipinas.

Nabura nito ang P754 milyon jackpot ng grand Lotto 6/55 na solong tinamaan ng isang balikba­yang engineer noong 2010 sa Olongapo City, Zambales matapos masapul ang kumbinasyong 11-16-42-47-31-37.