Abante Tonite Interactive

11,500 pulis magbabantay sa Semana Santa, ‘Ligtas Sumvac 2019’

356

Aabot sa may 11,500 miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang nakatakdang i-deploy ngayong Semana Santa at Summer Vacation (Sumvac) para sa implementasyon ng ‘Ligtas Sumvac 2019’.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Dir. Gen. Guil­lermo Eleazar, ang naturang bilang ang magbibigay ng seguridad sa mga lokal at dayuhang turista na bibisita sa Metro Manila ngayon summer.

Nabatid na nagsimula na ang bakasyon ng mga estudyante ngayon araw at magtatagal ito hanggang sa Hunyo 3,2019.

Inaasahan na rin ang pagdagsa ng mga tao sa MRT, LRT, bus terminal, airports at mga daungan.

Bukod sa full alert status, inatasan ni Eleazar ang mga district director at mga station commander na mag focus para malawak pa ang mga police operation strategy, police visibility at mga police at touris­t assistance desk at iba pang mga hakbang para mabigyan ng proteksyon ang publiko sa panahon ng Semana Santa.

Nakipag-ugnayan na rin ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Local Government Units (LGUs), volunteer group at iba pang ahensiya ng gobyerno para sa kaligtasan ng publiko.

Bahagi rin umano ng Ligtas Sumvac 2019 ang pagpapamahagi ng mga pulis ng safety tips flyers, diyalogo at inspeksiyon sa mga terminal at bus.
Kasabay nito, hinimok ni Eleazar ang publiko na suportahan ang anti-criminality campaign ng NCRPO. (Juliet de Loza-Cudia)