Abante Tonite Interactive

117 OFW na biktima ng human trafficking nakauwi na

366

Nakauwi na sa Pilipinas ang 117 distressed overseas Filipino workers (OFWs) makaraang dumating kahapon ng umaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 sa Pasay City.

Alas-8:30 ng umaga nang dumating ang nasabing OFWs na sakay ng Philippine Airlines Flight PR-659 na lumapag sa NAIA Terminal 2 mula Abu Dhabi.

Ang nasabing bilang ay pawang mga biktima ng human trafficking kung saan sila nakaranas ng pagmamalupit sa kani-kanilang mga amo sa abroad.

Isa sa mga OFW na dumating sa NAIA na nakilala sa pangalang “Kathryn” na biktima din ng human trafficking ang nakaranas ng kalupitan sa among Arabo.
Hindi rin umano binibigay nang tama ang kanilang suweldo habang sobra sa oras ang kanilang trabaho.

Sinalubong naman sila ng mga opisyal at kawani ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) at TESDA para mag-alok ng libreng skills training program. (Armida Rico)