Abante Tonite Interactive

12 Chinese nilambat sa POGO sex den

790

Labindalawang Chinese ang nasakote ng mga pulis sa isinagawang entrapment operation nitong Linggo ng madaling-araw sa ilang unit ng isang hotel sa Parañaque City na ginawang sex den.

Kabilang sa mga inaresto ang isang lalaking Chinese na nagngangalang Ye Gui Cai, nasa hustong gulang, na siyang nagsisilbing bugaw diumano ng mga kababayan nitong babae.

Ayon sa ulat ng Parañaque Police, isang impormante ang nagsumbong sa kanilang tanggapan na palaging may pumapasok na mga lalaki sa ilang unit ng ikalima at ikawalong palapag ng Go Hotel na matatagpuan sa Quirino Avenue sa Brgy. Tambo.

Hinala umano ng impormante na may nagaganap na prostitusyon sa nasabing hotel.

Batay sa natanggap na impormasyon, ikinasa ang entrapment operation bandang ala-1:46 ng madaling-araw ng pinagsanib na puwersa ng District Special Operation Unit, District Intelligence Unit, Women and Children Protection Desk at Parañaque Police Station Intelligence Unit sa pangu­nguna ni Police Maj. Wilfredo Sangel.

Isang pulis ang nagpanggap na kostumer at nakipagtransaksyon sa bugaw na Chinese para makakuha ng babae na ‘binebenta’ sa halagang P5,000 hanggang P15,000 para sa pakikipagtalik.

Matapos ang transaksiyon ay isinagawa na ang entrapment kung saan nasakote ang bugaw na Chinese at nalambat din ang 11 babaeng kababayan nito na nasa 18 hanggang 25 taong gulang.

Kasalukuyang nakakulong ang bugaw na Chinese sa Parañaque Custodial Facility habang dinala naman sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga babae.

Nabatid na nakapangalan sa isang negosyanteng Chinese ang sinalakay na sex den sa nasabing hotel.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may nadiskubreng sex den sa nasabing lungsod na pangunahing kostumer ay mga Chinese na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO). (Vick Aquino)