Abante Tonite Interactive

12 namatay sa HIV infection sa South Cotabato

By
55

Nananawagan na ang pamunuan ng HIV/AIDS Core Team sa South Cotabato na bigyang-halaga ang early detection at mas maagang pagpapaturok ng antiretroviral drug sa mga taong naimpeksiyon ng naturang sakit dahil na rin sa ulat na umaabot na sa 12 ang namatay sa natu­rang probinsiya sanhi ng human immunodeficiency virus (HIV).

Base sa ulat, nasa 12-katao na ang namatay dahil sa HIV infection sa South Cotabato ngayong taon pa lamang.

Ayon kay John Codilla, provincial focal person ng HIV/AIDS Core Team, dalawa sa mga ito ang namatay noong nakaraang linggo lamang at isa rito ay babae habang 17-anyos naman ang pinakabata.

“Karamihan sa mga namatay ay dahil sa late diagnosis, hindi na po naagapan pa,” sabi ni Codilla.

Dapat aniya na ang mga may “risky sexual behavior”, babae man o lalaki, ay magpasailalim sa HIV screening para malaman kung nagkaroon na rin sila ng impeksiyon.

Kasabay nito, binabantayan na rin aniya ngayon ng kanilang grupo ang mga nakikipagtalik sa kaparehong lalaki at kalaunan ay sa babae na posibleng maging dahilan ng paglaganap ng HIV lalo na sa mga kababaihan.