Abante Tonite
Mabilis sa Balita

12 pulis swak sa Siargao rubout

0 125

Ni Nancy Carvajal

Nirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasampa ng kaso laban sa mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa Siargao Island kaugnay sa pagkamatay ng isang European national sa isa umanong shootout noong 2020.

Base sa opisyal na dokumentong napasakamay ng Abante Tonite, tinukoy ang mga opisyal na sina Police Captain Wise Vicente Panuelos, chief of police, PSSg. Ronel Azarcon Pazo, PSSg. Nido Boy Esmeralda Cortes at siyam na iba pang pulis ang kinasuhan ng murder, pagtatanim ng ebidensiya at perjury sa pagkamatay ng Spanish national na si Diego Alberto Lafuente, 32-anyos, sa Department of Justice (DOJ).

Ang pamahalaan ng Spain ang complainant.

Inutos ni NBI officer-in-charge Director Eric Distor ang imbestigasyon matapos na maghain ng reklamo ang pamahalaan ng Spain kaugnay sa pagkakapaslang kay Lafuente noong Enero 2020 matapos na barilin diumano ng mga pulis sa loob ng inuupahan nito sa Siargao.

Nabatid na si Lafuente ay co-owner ng isang souvenir shop sa Siargao.

Sinabi diumano ng mga pulis na pinutukan ni Lafuente ang mga awtoridad sa isang buy-bust operation.

Subalit lumalabas umano sa mga nakalap na ebidensiya, forensic at ballistic investigation ng NBI, na taliwas ang nangyari sa report ni Panuelos at ng mga tauhan nito.

“The armed encounter cannot be given credence in favor of the police officers because of the obvious discrepancy of their allegations in their affidavits and that of the crime scene processes report and testimonies of the witnesses,” ayon sa NBI report.

Sinabi pa ng NBI na walang armas si Lafuente ng mapatay at wala rin ito sa drug list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Nabatid na nag-isyu rin ang PDEA ng sertipikasyon na walang koordinasyon sa kanila ang sinasabing ope­rasyon ng mga pulis. Hindi umano sangkot ang PDEA sa operasyon taliwas sa naunang report na inilabas ng mga pulis.

Ilang testigo at mga residente ng Siargao ang nagbigay rin ng kanilang testimonya na pinatay umano si Lafuente ng mga pulis.

Nabatid na nagtamo si Lafuente ng anim na tama ng mga bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.