Abante Tonite Interactive

12 sugatan sa AUV vs UV Express, bus

By
493

Labindalawang katao ang malubhang nasugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa tapat ng ginagawang gasolinahan sa panulukan ng Commonwealth Ave­nue at Malakas Street sa Brgy. Old Balara, Quezon City, alas-12:40 ng hatinggabi kahapon.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Leonardo Policarpio ng Traffic Sector 5, matuling tumatakbo sa northbound lane ng Commonwealth Ave­nue ang isang UV Express na minamaneho ni Rolando Siguro patu­ngong Rodriguez, Rizal nang banggain umano sila sa kanang bahagi ng isang Nissan Sentra Sedan na may plakang SEV 172 at minamaneho naman ni Chito Fortu, taga-Diliman, Quezon City.

Sa lakas ng pagkabundol sa UV Express, nagpaikot-ikot ito at napunta sa kabilang linya ng kalsada. Nagkataong paparating ang Yutong bus (may plakang UVA 711) na minamaneho ni Marjon Caubat, taga-Pandi, Bulacan, at ina­raro nito ang UV Express na sumalpok din sa harang na bakal sa kalsada.

Kabilang sa 12 kataong nasugatan ang mga drayber ng mga nasabing sasakyan na dinala sa East Avenue Medical Center para malapatan ng lunas.

Inimbitahan na rin ng pulisya ang tatlong drayber na sina Siguro, Fortu at Caubat para imbestigahan sa nangya­ring aksidente. ­