Abante Tonite Interactive

120 saksak sa hubo’t hubad na ginang, suspek binulungan daw ng demonyo?

0 194

Bagama’t bihira lang naman ang ganitong hindi pagkakaunawaan o pagtatalo sa loob ng isang pamilya, hindi maiiwasan na may mga pagkakataon na nakakapag-desisyon ang mag-asawa na bumukod na lamang ng kanilang tirahan at humiwalay sa magulang upang hindi na maulit o lumala pang lalo ang sitwasyon.

Gayunman, hindi garantiya na magiging mapayapa na ang pagsasama ng mag-asawa sa piling ng kanilang anak ang pagpapasiya na bumukod at umupa ng kanilang matitirhan nang hiwalay sa kanilang mga magulang bagama’t nakabubuti rin ito kadalasan, upang lalo pang magsumikap ang mag-asawa para sa magandang kinabukasan ng kanilang anak.

Maaaring isa rin itong paraan upang maibalik na muli ang magandang pagtitinginan ng anak at magulang, maging ng manugang at biyenan na karaniwan ng nagkakaroon ng alitan na kadalasan ay nag-uugat sa labis na pagmamahal ng lolo at lola sa kanilang apo na nabibigyan ng maling kahulugan ng mga magulang ng bata dahil sa tingin nila ay nagiging dahilan ito upang maging suwail ang anak bunga ng pagkunsinti ng lolo at lola sa bata.

Isang halimbawa na rito ang nangyari sa isang pamilya sa Caloocan city na bagama’t nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang ama ng tahanan at ang kanyang itinuturing na manugang, muli namang naibalik kaagad ang maayos nilang pagtitinginan kahit pa nagpasiyang bumukod ng tirahan ang mag-partner, kasama ang nag-iisa nilang anak.

Gayunman, sa hindi inaasahang pangyayari, dumanas ng trahedya sa kanilang buhay ang masaya at tahimik na pamumuhay ng pamilya matapos paslangin sa karumal-dumal na pamamaraan sa loob mismo ng inuupahang bahay ang ginang.

Bago nangyari ang karumal-dumal na pagpaslang sa 42-anyos na si Florinda De Villon, tahimik silang namumuhay ng kanyang 35-anyos na kinakasamang si Abel Pecayo na nagta-trabaho bilang security guard ng isang pribadong kompan­ya sa Binondo, Manila.