Abante Tonite Interactive

120 saksak sa hubo’t hubad na ginang, suspek binulungan daw ng demonyo?

544

Ayon pa kay Michelle, bago bumili ng band aid sa kanilang tindahan si Jay-Ar, narinig din niya ang kaguluhan sa loob ng bahay ni Florinda, pati na ang pagmamakaawa ng ginang na huwag siyang patayin.

Nakita rin ng mga pulis ang patak ng dugo papunta sa direksiyon ng pintuan ng bahay nina Jay-Ar na kalapit lamang sa tirahan ng biktima.

Dahil dito, nagpasiya ang mga pulis sa pangu­nguna nina PSSg. Jaypee Alarcon, PCpl. Robert Peca at PCpl. Don Joseph Tom Ablaza na pasukin ang bahay nila Jay-Ar subalit wala na sa loob ang suspek at tanging ang kanyang mga magulang lamang ang dinatnan ng mga pulis.

Sinabi ng mga magulang ni Jay-Ar na bumibisita lamang sa kanila ang kanilang anak at nakatira ito sa kanyang kalive-in sa hindi rin kalayuang lugar sa 263 E. Castillo St. Brgy. Maypajo sa naturang din lungsod.

Nang makarating sa kaalaman ni Caloocan Police Chief Col. Noel Flores ang na­ging takbo ng pagsisiyasat ng kanyang mga tauhan, kaagad niyang iniutos sa Follow-Up Unit ang malawakang pag-TUGIS sa suspek, katuwang ang mga
tauhan ng PCP-2 at Mobile Patro Unit.

Natunton naman ng mga pulis ang bahay ng kinakasama ni Jay-Ar na si Shiela Marie Recto kung saan mayroon siyang anak na babae na nagngangalang Sophia na nagkataong nagdiwang ng isang taong kaarawan noong araw ding ‘yun, Oktubre 7, 2019.
Nakumbinsi ng mga tauhan ni Police Col. Flores si Shiela na makipagtulungan sa kanila upang madakip kaagad ang kanyang kinakasama at sa takot na may mangyaring masama sa kanyang anak, pumayag siya sa kagustuhan ng mga pulis.
120 saksak sa hubo’t hubad na ginang,
suspek binulungan daw ng demonyo?
(Part 13)
Maging ang nakababatang kapatid ni Jay-Ar na si Ryan Jay Malano, 18, ay nakumbinsi rin ng pulisya na tumulong sa kanilang isinasagawang pag-TUGIS kapalit ng pangako na walang mangyayaring masama sa kanyang kuya.

Hatinggabi na nang magawang ma-kontak ni Shiela ang kanyang kalive-in at batay sa kanilang pag-uusap, nagtungo sa bahay ng kanyang pinsan sa Libertad, Pasay city ang suspek upang maningil ng pautang na nagkakahalaga lamang ng P200.

Pinakiusapan ni Shiela ang kinakasama na makipagkita sa kanya upang makapiling ng kanilang anak na si Sophia na katatapos lamang ipagdiwang ang 1-taong gulang na kaarawan at sinabing isasama niya si Ryan Jay upang matiyak na magiging ligtas sila sa pagbibiyahe.

Dahil sa pagnanais na makapiling din ang anak at kalive-in, pumayag si Jay-Ar sa kagustuhan ni Shiela at itinakda ang kanilang pagkikita sa tapat ng isang sangay ng McDonald fast food sa Libertad Street (Arnaiz Avenue) ng alas-2:30 ng madaling araw.

Ang hindi alam ni Jay-Ar, pakana ng mga pulis ang itinakdang pagkikita ng dalawa kaya’t makalipas lamang ang hatinggabi ay nauna ng nagtungo sa naturang lugar ang mga pulis na kinabibilangan nina Ssgt. Alarcon, Cpl. Peca, Cpl. Ablaza, CMSgt Romulo Sarabia, SSgt Borban Paras, SMSgt. Renato Albaza, Jr. Pat. Marco Anthony Payumo, kasama ang mga tauhan ng PCP-2 na sina SSgt. Jessie Daculo, Cpl. Ruben Tan at Cpl. Rommel Tho matapos ang ginawang pakikipag-ugnayan sa Pasay City Police Station.

Dakong alas-2:20 ng madaling araw ng Martes, Oktubre 8, 2019, dumating si Jay-Ar sa kanilang tipanan ng kalive-in at dito na siya dinakma ng mga pulis makaraang ituro ng kanyang kinakasama at nakababatang kapatid na si Ryan Jay.

Matiwasay namang sumama sa mga pulis si Jay-Ar at bago dalhin sa Caloocan police headquarters, dumaan muna sila sa Caloocan City Medical Center upang isailalim sa medical examination matapos makita ang mga sugat niya sa kanang kamay.

Nang iharap si Jay-Ar kay Col. Noel Flores, inamin niya ang nagawang krimen subalit itinanggi niya ang paratang na hinalay niya ang biktima. Ayon kay Jay-Ar, wala siya sa katinuan nang pumasok sa loob ng bahay ng biktima at tila may nagbulong sa kanya na tuluyan na niya ang ginang.

Upang magamit naman sa paghahain ng kaso ang ginawang pag-amin ni Jay-Ar sa krimen, minabuti ni Col. Flores na pagkalooban siya ng abogado mula sa Public Attorney’s Office (PAO) sa katauhan nina Atty. Simeon Archie Marcol at Atty. Mark Louie Baluyot,

Sa harap ng dalawang abogado ng PAO, isinulat ni Jay-Ar ang kanyang extra judicial affidavit na nagpapahayag ng pag-amin sa ginawang pagpatay kay Florinda. Kinuhanan din ng larawan ng pulisya si JayAr habang isinusulat ang kanyang pag-amin sa krimen sa harap ng dalawang abogado.

Sa panayam naman ng TUGIS kay Mang Benjamin, ang ama ni Florinda, sinabi niya na naniniwala siyang planado na ang pagpasok ng suspek sa bahay ng anak dahil lagi aniya niyang nakikita ang lalaki na nakaupo sa nakaparadang motorsiklo at tila tinitiktikan ang kilos at galaw ng kanyang anak.

Malaki ang paniniwala ni Mang Benjamin na nanlaban ang kanyang anak sa salarin kaya’t sa galit ng suspek ay pinagsasaksak niya ng dalang patalim si Florinda hanggang sa mabali ang kutsilyo kaya’t gunting naman ang ginamit niya sa pananaksak.

Bunga ng malakas na ebidensiya at testigong hawak ng kapulisan, bukod pa sa isinulat na extra-judicial affidavit na nagpapahayag ng pag-amin sa krimen, isinama ng kapulisan ang kasong Murder laban kay Jay-Ar Malano at kaagad na isinailalim sa inquest proceedings kay Caloocan City Assistant City Prosecutor John Quincy Carandang.

Habang nirerebisa ng tagausig ang mga dokumento at ebidensiyang isinumite ng kapulisan, naisaayos naman ng pamilya De Villon ang bangkay ni Florinda at itinakda ang paglilibing sa kanyang labi noong Oktubre 14, 2019 o isang linggo matapos ang karumal-dumal na pagpatay makaraang iburol sa bahay ng kanyang mga magulang sa Guido 4 Street, A. Mabini, Maypajo.

Bumuhos ang luha at pagdadalamhati mula sa mga magulang, anak, kapatid, kaanak at ka-live in ni Florinda nang ihatid ang kanyang labi sa huling hantungan sa Sangandaan Public Cemetery na dinaluhan ng kanyang mga kaibigan, kasama sa trabaho at kapitbahay.

Nang mapunta naman sa sala ni Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Judge Rosalia Hipolito-Bunagan ng Branch 22 matapos mai-raffle ang usapin, kaagad na naglabas ng commitment order o ng kautusan ang hukom upang mailipat si Jay-Ar sa Caloocan City Jail.

Habang nasa city jail, pumayag si Jay-Ar na makapanayam ng TUGIS sa kondisyon na walang video at hindi siya kukuhanan ng larawan batay na rin sa pahintulot ni Supt. William Manengyao, ang warden ng naturang pasilidad.

Sa panayam ng TUGIS kay Jay-Ar, inamin niya ang pagpatay subalit mariin niyang itinanggi ang bintang na hinalay niya ang biktima at kumpiyansa aniya siya na lalabas sa resulta ng autopsiya sa bangkay na walang panghahalay na naganap.

Nagawa lamang aniya niyang pasukin ang bahay ng biktima dahil sa sobrang galit matapos na umano’y kagalitan sila ng kanyang mga kaibigan at akusahan ng pag-iingay habang nag-iinuman sa harap ng bahay ng kanyang mga magulang na malapit lamang sa bahay nina Florinda.

Nagdilim na rin aniya ang kanyang paningin lalu na nang may marinig siyang muli na may bumubulong sa kanyan na tuluyan na ang ginang. Hindi na rin aniya niya alam kung ilang ulit niyang pinagsasaksak si Florinda na naging dahilan upang masugatan din ang kanyang kanang kamay.

Ayon kay Jay-Ar, 13-anyos pa lang aniya siya at naninirahan sila, kasama ang mga magulang at tatlong kapatid, sa Tuna St. Dagat-Dagatan, Caloocan ay nakakaranas na siya ng hindi pangkaraniwang pangyayari sa kanyang buhay.

Ayaw aniyang maniwala sa kanya ng kanyang mga magulang at kapatid na nakakarinig siya ng mga boses at nakakakita ng kaluluwa ng babae sa loob ng kanilang bahay.

Isang taon aniya siyang dumaranas ng kababalaghan na pilit niyang iwinawaksi lalu na’t ayaw siyang paniwalaan ng magulang at kapatid kapag sinasabi niya na may nakikita siyang kaluluwa ng babaing nakaputi at may boses siyang naririnig na bumubulong sa kanya.

Itinanggi rin niya ang akusasyon sa kanya ng mga opisyales ng barangay sa kanilang lugar na nasangkot na siya sa mga kaso ng panghoholdap at pagnanakaw at hindi rin aniya siya gumagamit ng ilegal na droga.

Ayon pa kay Jay-Ar, wala siya sa sariling katinuan nang gawin ang krimen dahil sa mga naririnig na bulong mula sa hindi niya batid na boses at ngayon lamang aniya siya nakaranas na masadlak sa piitan na labis na nagdudulot sa kanya ng matinding depresyon kahit aniya dinadalaw siya ng mga kapatid at magulang.

Sa dakong huli ng panayam ng TUGIS kay Jay-Ar, sinabi niya na hindi siya tatagal sa ganoong kalagayan sa loob ng city jail at mas nanaisin pa aniya niyang kitilin na lamang ang sariling buhay sa halip na gugulin ang mahabang panahon sa loob ng piitan.

Mariin namang itinanggi ng mag-asawang Benjamin at Rosalinda ang pahayag ni Jay-Ar sa TUGIS na may kinikimkim siyang galit sa ginang dahil kinagagalitan sila sa nililikhang ingay kapag nag-iinuman.

Ayon kay Mang Benjamin, gumagawa na lamang ng kuwento si Jay-Ar upang mapangatuwiranan ang ginawang krimen lalu na’t hindi aniya naglalabas ng bahay ang kanyang anak at hindi nanghihimasok sa anumang aktibidad ng kapitbahay, maging noon pa mang sa kanila naninirahan ang mag-asawa.

Iginiit pa ni Mang Benjamin na madalas niyang nakikita si Jay-Ar sa tapat ng inuupahang bahay ng anak na tila nagmamasid kaya’t malinaw na planado at humahanap lang ng tiyempo o pagkakataon ang suspek upang pasukin sa loob ng bahay ang kanyang anak.

Nang itakda naman ni Judge Rosalia Hipolito Bunagan ang pagbasa ng sakdal kay Jay-Ar noong Oktubre 29, 2019 kasama ang kanyang mga abogado sa Public Attorney’s Office (PAO), naghain siya ng “not guilty plea” na labis na ikinadismaya ng mga magulang, kapatid at kalive-in ni Florinda.

Dahil dito, itinakda ng hukuman ang pagsisimula ng paglilitis laban kay Jay-Ar sa Enero 7 ng susunod na taon at bagama’t hindi nagustuhan ng pamilya De Villon ang inihaing not guilty plea ni Jay-Ar, kumpiyansa pa rin sila na mananaig ang batas at mabibigyan ng wastong hustisya ang nakaririmarim na pagpaslang sa kanyang anak.

Sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran. -30