Abante Tonite Interactive

120 saksak sa hubo’t hubad na ginang, suspek binulungan daw ng demonyo?

511

Ayon kay Jay-Ar, 13-anyos pa lang a­niya siya at naninirahan sila, kasama ang mga magulang at tatlong kapatid, sa Tuna St. Dagat-Dagatan, Caloocan ay nakakaranas na siya ng hindi pangkaraniwang pangyayari sa kanyang buhay.

Ayaw aniyang maniwala sa kanya ng kanyang mga magulang at kapatid na nakakarinig siya ng mga boses at nakakakita ng kaluluwa ng babae sa loob ng kanilang bahay.

Isang taon aniya siyang dumaranas ng kababalaghan na pilit niyang iwinawaksi lalo na’t ayaw siyang paniwalaan ng magulang at kapatid kapag sinasabi niya na may nakikita siyang kaluluwa ng babaeng nakaputi at may boses siyang naririnig na bumubulong sa kanya.

Itinanggi rin niya ang akusasyon sa kanya ng mga opisyales ng barangay sa kanilang lugar na nasangkot na siya sa mga kaso ng panghoholdap at pagnanakaw at hindi rin aniya siya guma­gamit ng iligal na droga.

Ayon pa kay Jay-Ar, wala siya sa sariling katinuan nang gawin ang krimen dahil sa mga naririnig na bulong mula sa hindi niya batid na boses at ngayon lamang aniya siya nakaranas na masadlak sa piitan na labis na nagdudulot sa kanya ng matinding depres­yon kahit aniya dinadalaw siya ng mga ka­patid at magulang.

Sa dakong huli ng panayam ng TUGIS kay Jay-Ar, sinabi niya na hindi siya tatagal sa ganoong kalagayan sa loob ng city jail at mas nanaisin pa aniya niyang kitilin na lamang ang sariling buhay sa halip na gugulin ang mahabang panahon sa loob ng piitan.

Mariin namang itinanggi ng mag-asawang Benjamin at Rosalinda ang pahayag ni Jay-Ar sa TUGIS na may kinikimkim siyang galit sa ginang dahil kinagagalitan sila sa nililikhang ingay kapag nag-iinuman.

Ayon kay Mang Benjamin, gumagawa na lamang ng kuwento si Jay-Ar upang mapanga­tuwiranan ang ginawang krimen lalo na’t hindi aniya nag­lalabas ng bahay ang kanyang anak at hindi nanghihimasok sa anumang aktibidad ng kapitbahay, maging noon pa mang sa kanila naninirahan ang mag-asawa.

Iginiit pa ni Mang Benjamin na madalas niyang nakikita si Jay-Ar sa tapat ng inuupahang bahay ng anak na tila nagmamasid kaya’t mali­naw na planado at humahanap lang ng tiyempo o pagkakataon ang suspek upang pasukin sa loob ng bahay ang kanyang anak.

Nang itakda naman ni Judge Rosalia Hipolito Bunagan ang pagbasa ng sakdal kay Jay-Ar noong Oktubre 29, 2019 kasama ang kanyang mga abogado sa Public Attorney’s Office (PAO), naghain siya ng “not guilty plea” na labis na ikinadismaya ng mga magulang, kapatid at ka-live-in ni Florinda.

Dahil dito, itinakda ng hukuman ang pagsisimula ng paglilitis laban kay Jay-Ar sa Ene­ro 7 ng susunod na taon at bagama’t hindi nagustuhan ng pamilya De Villon ang inihaing not guilty plea ni Jay-Ar, kumpiyansa pa rin sila na mananaig ang batas at mabibigyan ng wastong hustisya ang nakaririmarim na pagpaslang sa kanyang anak.

Sa mga kriminal na nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang ‘yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran.