Abante Tonite Interactive

120 saksak sa hubo’t hubad na ginang,suspek binulungan daw ng demonyo?

254

Bagama’t pang-apat na sa mga apo ng mag-asawang Benjamin at Rosalinda si Alexa Rose, kakaibang pagkagiliw ang ipi­namamalas ng mag-asawa sa kanilang apo lalu na’t sila na rin ang nagsisilbing tagapag-alaga ng bata dahil kapuwa pumapasok sa kanilang trabaho sina Florinda at Abel.

Dahil may panuntunang ipinaiiral ang kompanyang pinagli­lingkuran nina Florinda at Abel hinggil sa pagbabawal na magkapangasawahan ang dalawang kawani, inilipat ng security agency ang lalaki sa isang kompanya sa El Cano Street sa Binondo, Maynila bilang pagtalima sa panuntunan.

Mabilis na lumipas ang mga taon at habang lumalaki sa piling ng lolo at lola si Alexa Rose, nakakaramdam naman ng pangingimbulo si Abel dahil sa pakiramdam niya ay nawawalan na siya ng puwang sa puso ng anak lalo na’t mas matagal pa ang inilalagi niya sa pagta-trabaho kumpara sa piling ng kaisa-isang anak.

Nang sumapit sa edad na apat na taon si Alexa Rose, nagpasya ang kanyang lolo at lola na ipasok ang bata sa day care center sa kanilang barangay bilang panimula sa pag-aaral ng bata na hindi naman tinutulan nina Flornda at Abel.

Gayunman, nang minsang malasing si Abel, dito natuklasan ng mag-asawang Benjamin at Rosalinda na may kinikimkim na palang sama ng loob ang itinuturing na manugang dahil sa pakiramdam umano ng lalaki at nawalan na siya ng papel sa buhay ng sariling anak.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina Abel at Mang Benjamin at upang hindi na lumala pa ang hindi pagkaka-unawaan, ipinasiya ni Florinda na pumayag na sa mungkahi ng kinakasama na bumukod na sila ng tirahan.