Abante Tonite Interactive

13-Anyos nilaban ang puri sa pamilya

By
3,830

Isa ang panggagahasa sa mga itinuturing na malagim at karumal-dumal na krimen na nangyayari sa maraming lugar sa bansa lalo na kung isinakatuparan ito ng isang ama sa sarili niyang anak.

Halimbawa na rito ang naganap na insidente ng panghahalay ng isang ama sa kanyang 13-taong gulang na anak na babae na nangyari gabi ng Sabado noong Mayo 27, taong 1995 sa Binalonan, Pangasinan.

Mahimbing na natutulog noon ang 13-anyos na dalagitang itinago sa pangalang ‘Tessie’, katabi ang nakababata niyang kapatid na la­laki, nang pumasok sa kanilang silid ang kanyang amang si Nelson Abon dakong alas-11:00 nang gabi.
Binuhat ni Abon ang anak na lalaki palayo at tinabihan ang dalagitang anak bago niyakap, hinubaran ng suot na pajama, short at panty bago siya naman ang nag-hubad ng brief.

Pinilit lumaban ng dalagita at pasigaw na humingi ng tulong sa kanyang lola na nasa kabilang silid lamang subalit hindi nagising ang matanda. Dito na tinakpan ni Abon ang bibig ng anak upang hindi makasigaw at tinakot na sasakalin sa oras na gumawa pa ng ingay.

Sa takot ng biktima, hindi na niya tinangka pang manlaban kaya’t matagumpay na naisakatuparan ng kanyang ama ang panghahalay na tumagal ng halos 30-minuto.

Kinabukasan, isinumbong ni Tessie ang ginawa sa kanya ng ama subalit sa halip na damayan, hindi pinaniwalaan ng matanda ang dalagita kaya’t sa isang Cristeta Baynos niya sinabi ang nangyaring panghahalay na siyang tumulong sa kanya upang maghain ng reklamo sa pulisya.

Kinasuhan ng qua­lified rape si Abon at matapos makakita ng sapat na ebidensiya ang tagausig, kabilang ang resulta ng medical exa­mination, umakyat ang kaso sa Urdaneta Pangasinan Regional Trial Court Branch 43,
Naghain ng not guilty plea si Abon nang basahan ng sakdal at nang isagawa ang pag­lilitis, ikinaila niya ang akusasyon ng anak at sinabing nagta-trabaho siya sa Binangonan, Rizal mula Marso hanggang Agosto, 1995 at isang beses lamang siya umuwi sa Binalonan noong Hunyo ng taong 1995.

Hindi rin aniya sila nagkita ng kanyang mga anak dahil kasaluku­yang nag-aaral noon ang mga bata sa Pozzorubio, Pangasinan. Depensa pa ni Abon, ginawa lang ng kanyang anak ang paghahain ng demanda dahil madalas niyang mahagupit ng malakas sa puwit ang anak, gamit ang isang mahabang kahoy.

Hindi naman kinatigan ng korte ang depensa ni Abon dahil noong Hunyo 23 ng taong 1998, nagbaba ng hatol ang Mababang Hukuman ng Urdaneta, Pangasinan na nagpapataw ng parusang kamatayan sa akusado at pinagbabayad din siya ng P50,000 bilang moral damages sa biktima at P30,000 bilang exemplary damages.

Dahil ipinataw ang pinakamabigat na parusa kay Abon, awtomatikong rerebisahin ito ng Kataas-taasang Hukuman bagama’t dahil may nauna ng resolusyon na inilabas ang Korte Suprema kaugnay sa kasong People vs. Mateo, ipinasa ang agarang pagsusuri ng kaso sa Court of Appeals (CA)

Noong Hunyo 5, 2005, inilabas ng CA ang desisyon na nagpapatibay sa naunang hatol ng mababang hukuman dahil sa pagkabigo ng kampo ng akusado na mapatunayan ang akusasyon na walang kredibilidad ang biktima at walang iba pang motibo upang magimbento ng kuwento ng panghahalay.

Itinaas din ng CA ang moral damages na dapat bayaran ng akusado sa halagang P75,000 at karagadan pang P75,000 para sa bayaring sibil bagama’t ibinaba naman sa P25,000 ang exemplary damages.

Noong Oktubre, 17 ng taong 2006, umapela sa Korte Suprema ang kampo ni Abon sa paniwalang nagkamali ang CA nang pagtibayin ang unang desisyon ng mababang hukuman, pati na ang pagkakamaling dagdagan ang danyos na dapat bayaran ng akusado.

Gayunman, pinagtibay din ng Korte Sup­rema sa kanilang inilabas na desiyon noong Pebrero 15, 2008 ang hatol ng CA at sinabing walang merito ang apela ng kampo ni Abon.

Sa naturang desis­yon na ipinonente ni Associate Justice Presbitero Velasco, Jr. na sinang-ayunan ni Chief Justice Reynato Puno, nakasaad na hindi nagkamali ang CA nang ipawalang saysay ang depensa ng akusado kahit pa nga tumestigo ang kanyang ina, pamangkin at bayaw na wala siya sa lugar na pinangyarihan ng panghahalay dahil dumalo siya sa isang kaarawan sa Binangonan Rizal noong Mayo 27, 1995.

Ayon sa Korte Sup­rema, walang kredibilidad ang ipinahayag ng mga testigo dahil pa­wang mga malalapit na kaanak ang mga ito ng akusado na walang dudang papanig sa kanya.

Pinagtibay din ng mga mahistrado ang pagpapataw ng halaga na isinaad sa desisyon ng CA lalu na’t may mga nauna ng desisyon kaugnay dito ang mga mahistrado.

Gayuman, ibinaba naman ng Korte Suprema sa hatol na habambuhay na pagkabilanggo ang parusang ipinataw kay Abon batay na rin sa bagong batas sa ilalim ng R.A 9346 na ipinasa noong Hunyo, 29, 2006 na nagbabasura sa parusang kamatayan.