Umabot sa 13 dayuhan ang naaresto ng mga operatiba ng Police Regional Office 3 na nahaharap sa mga kasong criminal mula Pebrero 24 hanggang Setyembre 28 ngayong taon.
Sa ulat kay P/BGen Jess B Mendez, regional director ng PRO3, may apat na naaresto sa Angeles City; tig-2 sa Bulacan, Zambales, at Olongapo City; at tig-isa naman sa Nueva Ecija, Pampanga, at Tarlac.
Ang mga warrant ay may kaugnayan sa mga kasong rape, frustrated homicide, qualified theft, paglabag sa RA 9262, attempted kidnapping, BP 22, RA 11930, physical injuries, at unjust vexation.
Sinabi ni Mendez na ang mga operasyong ito ay bahagi ng tungkulin ng pulisya na ipatupad ang mga wastong warrant nang patas at pare-pareho, anuman ang nasyonalidad.
Idinagdag niya na ang tuloy-tuloy na operasyon laban sa mga wanted na indibidwal ay nakatutulong din sa pagpapalakas ng tiwala ng publiko sa pamamagitan ng pagpapakita na inaaksyunan ng mga awtoridad ang mga umiiral na warrant at mga impormasyong natatanggap nila. (Dolly Cabreza)











