Abante Tonite Interactive

14-anyos na pamangkin kinatay

378

Namatay habang isinusugod sa ospital ang isang 14-anyos na dalagita matapos pagsasaksakin ng kanyang tiyuhin sa Brgy. Malanday, Valenzuela City kamakalawa nang umaga.

Dead-on-arrival sa Valenzuela City Medical Center ang biktimang si Clarisse Joy Marcelo na nagtamo ng tig-apat na saksak sa kanyang likod at dibdib.

Inaresto naman ng mga awtoridad ang binatang tiyuhin ng biktima na si Rusty Marcelo, 30-anyos, matapos umamin na siya ang pumatay sa pamangkin dahil umano sa galit sa kuya ng dalagita.

Sa panayam kina P/S Sg. Regor Germedia at P/SMS Ronald Tayag ng Station Investigation Unit ng Valenzuela Police, nakita umano ni Rosario Marcelo, tiyahin ng biktima, ang pamangkin na duguang nakahandusay malapit sa kanilang gate dakong alas-9:30 nang umaga.

Kaagad na tinawag ni Rosario ang tatay ng biktima na si Danilo at mabilis nila itong dinala sa nasabing ospital, pero sa daan pa lamang ay binawian na ito ng buhay.

Nagsagawa ng follow-up investigation sina Tayag at Germedia at pinuntahan nila ang bahay ni Rusty dahil doon umano galing ang biktima bago ito namatay.

Nakuha ng mga imbestigador ang patalim na ginamit sa krimen, pero ang ipinagtataka ng mga pulis, hinugasan ng suspek ang patalim nang isurender ito sa kanila.

Maging ang sahig sa bahay ng suspek kung saan dumaloy ang dugo ni Clarrise Joy ay nilinis din ng suspek.

Dahil sa hindi maipaliwanag na rason ni Rusty sa ginawa nitong paglilinis na maaaring pagkunan ng ebidensiya, dinala siya sa presinto at isinailalim sa masusing imbestigasyon.

Kalaunan, inamin ng suspek na siya ang pumatay sa pamangkin at nagawa umano niya ito dahil galit siya sa kuya ng biktima.

Hindi naman kumbinsido ang mga pulis sa katuwiran ni Rusty dahi may mga rebelasyon umano na balak nitong halayin ang pamangkin at posibleng nanlaban ang dalagita kaya ito pinagsasaksak ng tiyuhin.

Kinasuhan na ng murder in Relation to Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act) ang suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office at walang piyansang inerekomenda para sa pansamantalang paglaya nito. (Orlan Linde)