Abante Tonite Interactive

14-anyos patay sa Baseco gang war

By
668

Nagbuwis ng buhay ang isang 14-anyos na binatilyo nang muling sumiklab ang gang war sa pagitan ng dalawang grupo ng mga kabataan sa Baseco Compound sa Port Area, Maynila kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng Manila Police District-Homicide Section ang biktima na si Charles Edward Dacio, residente ng Habitat sa Baseco Compound at miyembro umano ng Loyal Brotherhood, isang grupo ng mga kabataan sa nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, kasama ng biktima ang ilan sa kaniyang mga katropa dakong alas-10:00 ng gabi nang abangan sila ng mga miyembro ng grupong Killer Performance sa may Bonifacio Drive sa Port Area.

Nasa 20 kabataan umano ang nag-abang sa grupo ng biktima na humantong sa habulan at batuhan hanggang sa masaksak ng tatlong beses sa dibdib ang binatilyo.

Nagtakbuhan ang mga kabataan nang duguang bumulagta ang biktima kaya walang naaresto sa mga nag-riot.

Isinugod pa ang binatilyo sa Philippine General Hospital pero binawian din ng buhay.

Noong Nobyembre ngayong taon ay nagkaroon na rin ng gang war ng mga kabataan sa Baseco kung saan ay isang 15-anyos na binatilyong out-of-school youth ang nasawi at wala ring naaresto.